7 sugatan sa sunog sa Caloocan

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 08:37 PM

Sugatan ang pitong residente, kabilang ang isang sanggol, sa sunog na sumiklab sa isang apartment sa Grace Park, Caloocan City Huwebes ng hapon.

Pinakamalala sa mga sugatan ang mag-asawang sina Editha at Mercelino Mendoza na nagtamo ng second degree burns sa balikat nang maipit sila sa hagdan.

Stable na ang kondisyon ng mga biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na apartment sa panulukan ng 7th Avenue at 4th Street sa Grace Park bandang 2:30 ng hapon na umabot sa ikalawang alarma.

Bago mag-alas-4 ng hapon nang ideklara ng awtoridad na naapula na ang apoy.

Kasalukuyang iniimbestigahan kung ano ang pinagmulan ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.