2 barangay hall sa Maynila giniba

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 12:29 PM

MANILA - Giniba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 2 barangay hall na nakatayo sa sidewalk sa Maynila, Huwebes.

Unang pinuntahan ng MMDA ang mga naturang gusali sa Barangay 643 at 641 may 2 linggo na ang nakalipas bilang bahagi ng malawakang clearing operations sa mga bangketa.

Nangako noon ang mga opisyal ng barangay na kusa nilang babaklasin ang mga gusali na nakakasagabal sa mga naglalakad sa sidewalk.

Pero nakatayo pa rin bagama't wala nang laman ang 2 barangay hall nang muling puntahan ng ahensiya, Huwebes. Dahil dito, ipinag-utos ni MMDA Chairman Danny Lim ang demolisyon ng mga ito.

"We did this for convenience, pinagbigyan na kasi sila dati," ani Lim.

Pangangasiwaan ng Manila city government ang paglilipat sa 2 barangay hall. Kakasuhan ng MMDA ang mga barangay official kung itatayo uli ang mga gusali sa parehong lugar.

Bukod sa demolisyon, inalis din ng ahensiya ang isang basketball ring at ilang nakaparadang sasakyan sa lugar. -- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.