Hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng mga nasawi sa Nov. 23, 2009 Maguindanao massacre, nang matipon-tipon sila sa pinangyarihan ng krimen sa Ampatuan, Maguindanao niton Nob. 20, 2022. Retrato mula kay Merly Genton Perante
MAYNILA -- Dumalaw noong Linggo, Nov. 20, ang pamilya ni Ronie Perante Sr., isa sa mga biktima ng Maguindanao massacre, sa mismong pinangyarihan ng krimen noong Nov. 23, 2009.
Si Perante ay dating reporter ng Gold Star Daily sa Koronadal City. Isa siya sa 32 mga mamamahayag na pinatay sa pinakamatinding pag-atake sa media kaugnay sa eleksyon.
Umabot sa 58 ang lahat ng namatay sa nasabing masaker kasama na ang mga kamag-anak at taga-suporta ng noon ay nag-file ng Certificate of Candidacy sa pagka-gobernador na si Toto Mangudadatu.
Sa Facebook post ng asawa ni Perante na si Merly, makikitang kasama niya ang kanilang dalawang anak na sina Ian at Ronie III at iba pang kamag-anak ng mga pamilya ng mga pinatay.
Agaw pansin ang litrato ng kaniyang bunsong si Ronnie III, na ayon kay Merly, ay ipinagbubuntis niya noong nangyari ang krimen.
Kwento ni Merly, ngayon lang ulit sila nakadalaw sa massacre site matapos ang dalawang taon dahil sa pandemya.
Ayon sa vice-chairperson ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na si Kath Cortez, umabot sa 100 katao ang dumalaw sa massacre site para gunitain ang ika-13 taon ng krimen.
Nagkaroon aniya ng misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Vic Gabute, at maikling programa na pinangunahan ng Justice Now, ang organisasyon ng mga kaanak ng mga minasaker.
Kasama rin ng NUJP at Justice Now ang Philippine Center for Investigative Journalism sa pag-organisa sa programa, dagdag pa ni Cortez.
"Panawagan ko na lang din po sa administrasyong Marcos na sana matapos na ang kaso at makuha na din namin ang inaasam na hustisya," sabi ni Merly.
Umaasa ang panganay nilang anak na si Jay Roy na hindi na tumagal pa ang pagdinig sa kaso.
"Kami ay patuloy na lumalaban para makamit ang kabuuang hustisya para sa aming minamahal sa buhay. Kami ay umaasa pa rin na sana 'di tumagal ang pag-usad ng kaso," sabi niya.
Noong Disyembre 2019, hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court ng guilty ng 57 counts of murder ang magkapatid na Datu Andal 'Unsay' Jr at Zaldy Ampatuan at 41 na iba pa.
Aabot sa 56 na akusado ang acquitted, kasama dito ang dating mayor ng Ampatuan na si Datu Sajid Islam Ampatuan.
Ayon sa mga dokumento ng korte, 197 ang akusado sa kaso ngunit ang 80 dito ay hindi pa nahuhuli.
- Dabet Panelo, Bayan Mo iPatrol Mo
MULA SA ARCHIVE