MAYNILA — Umarangkada ngayong Lunes ang pagbibigay ng booster shots kontra COVID-19 sa mga senior citizen at mga immunocompromised.
Base sa guidelines, ibinibigay ang booster o dagdag na dose hindi bababa sa 6 na buwan mula nang makumpleto ng isang indibiduwal ang dalawang COVID-19 vaccine doses o higit 3 buwan matapos maturukan ng single-dose vaccine.
Maaaring pareho o iba sa naunang brand ng bakuna ang ibigay na booster shot. Pinapayagang mamili ang babakunahan, pero depende pa rin sa available supply.
Kabilang sa mga may immunodeficiency na puwedeng magpaturok ang mga taong may HIV, active cancer of malignancy, nagpa-transplant at sumasailalim sa immunosuppressive treatments, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III, na nanguna sa ceremonial vaccination sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, sa susunod na linggo pa papayagang mabigyan ng booster shot ang ibang taong may comorbidity o sakit.
Kasama ni Duque sa ceremonial vaccination si vaccine czar Carlito Galvez, Jr., at kabilang sa mga nagpaturok si Dr. Nina Gloriani, chairperson ng vaccine expert panel ng pamahalaan.
Binigyan si Gloriani ng Sinovac vaccine, na pareho sa naunang dalawa niyang shot. May iniinom kasi umanong gamot si Gloriani na may contraindication sa ibang brand ng bakuna.
Inirerekomenda umano ng Department of Health sa mga magpapa-booster, lalo sa mga immunocompromised, na humingi muna ng payo mula sa kanilang mga doktor kung ano ang magandang brand ng bakunang maaaring ibigay sa kanila.
Sa Martes pa magsisimulang magbigay ng booster shot sa seniors at immunocompromised ang maraming local government unit sa National Capital Region dahil nitong Linggo lang nila natanggap ang guidelines kaugnay rito.
Bukod sa mga priority group, itinutulak din ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na mabigyan ng booster dose ang mga empleyado sa pribadong sektor.
Ayon kay Concepcion, marami pang supply ng bakuna na binili ng pribadong sektor ang puwedeng gamitin bilang booster shot.
Nauna nang pinayagang mabigyan ng booster shot ang mga health worker simula noong nakaraang linggo.
Higit 33.5 milyong indibiduwal na sa Pilipinas ang fully vaccinated laban sa COVID-19, base sa huling tala.
— May ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19, coronavirus, bakuna, vaccine, booster shot, senior citizen, immunocompromised, Department of Health, East Avenue Medical Center, COVID-19 vaccine, COVID-19 booster shot, COVID-19 vaccine booster, TV Patrol