Pulis nabulag dahil sa umano'y pananakit ng isang opisyal sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2021 04:57 PM | Updated as of Nov 23 2021 11:27 AM

Mula sa Bicol PNP
Mula sa Bicol PNP

(UPDATED) Tuluyan nang nawalan ng paningin ang kanang mata ng isang pulis dahil sa umano'y pananakit ng isang opisyal sa Albay.

Ayon kay Police Maj. Malu Calubaquib, nangyari ang insidente madaling-araw ng Nobyembre 13, ilang oras pagkatapos ng selebrasyon ng kaarawan ng commander ng Regional Mobile Force Battalion.Hinampas umano ng basag na bote si Police Master Sgt. Ricky Brabante, isang non-commissioned police officer ng Regional Mobile Force Batallion sa Bicol. 

Binisita nitong Linggo ni Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos si Brabante upang kumustahin ang kalagayan ng biktima.

Tiniyak ni Carlos ang buong suporta sa pagkamit ng hustisya at pantay na pagdinig sa kaso upang mapanagot ang may sala. 

Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya upang mas mapabilis ang ginagawang imbestigasyon sa pangyayari.

Inirekomenda rin ni Bicol police regional director Jonnel Estomo sa Aviation Security Group na sibakin sa puwesto ang opisyal.

Siniguro rin ni Carlos at Estomo ang tulong-pinansyal habang patuloy ang pagpapagaling ni Brabante matapos operahan ito sa kaniyang kanang mata. 

Nasampa na ng kasong frustrated murder si Brabante laban sa suspek sa piskalya. 

Ayon kay Calubaquib, nasa holding unit na ng Camp Crame ang suspek. Ang Aviation Security Group ang didinig sa kasong administratibo nito alinsunod sa rekomendasyon ng Bicol PNP. 

Watch more on iWantTFC

—Ulat ni Karren Canon