Matapos ang 100 public schools noong nakaraang linggo, 18 pribadong paaralan naman ang sumabak ngayong Lunes sa pilot implementation ng limited face-to-face classes.
Nasa 20 pribadong paaralan ang pinayagang sumali sa pilot implementation pero hindi muna tumuloy ang dalawa rito dahil, ayon sa Department of Education (DepEd), sa academic calendar ng parehong paaralan.
Sa Mother of Good Counsel Seminary sa San Fernando, Pampanga, nasa 20 estudyanteng nasa senior high school ang lumahok sa unang araw ng limitadong face-to-face classes.
Kahit hindi requirement ng DepEd, sumailalim sa COVID-19 antigen test ang mga estudyante, na pawang mga bakunado na rin dahil pasok sila sa edad ng pediatric vaccination.
"In online classes po, marami ding distractions... Iba iyong face-to-face na it's a classroom setting, na the teacher is in front, and you are with your classmates," sabi ng estudyanteng si Adley Gonzales.
"One thing we learned po here is discipline po and I think we can really follow that, especially po sa health protocols," aniya.
Noong nakaraang taon pa nagsumite ng aplikasyon ang paaralan para makapagsagawa ng in-person classes pero hindi ito pinayagan dahil pinagbabawal pa ng pamahalaan ang mga pisikal na klase noong mga panahong iyon.
Nitong taon lang pinayagang matuloy ang pilot implementation, na unang bahagi sa planong muling pagkakaroon ng face-to-face classes sa bansa.
Sa unang araw, hindi nag-aksaya ng oras ang paaralan at agad nagsagawa ng diagnostic test upang malaman ang lawak ng natutunan ng mga estudyante sa pamamagitan ng modules at online class.
"Para alam ko saan kami magsisimula. We don't want to insist in following the syllabus because that will be very crucial to the students," sabi ni Danilo Maglaqui, principal ng Mother of Good Counsel Seminary.
Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon papasok ang mga estudyante sa paaralan.
Sa dormitoryo sila titira hanggang sa term break nila sa Disyembre 10.
"Parang bubble setup tayo," sabi ng direktor ng seminary na si Fr. Conrad Flores.
Bukod sa mga estudyante, bakunado rin ang mga guro at school personel.
Umaasa naman si San Fernando Mayor Edwin Santiago na magiging modelo ang paaralan sa pagsasagawa ng face-to-face classes.
Masaya naman ang DepEd sa naging paghahanda at pagpapatupad ng face-to-face classes sa private schools.
"Marami nang nag-a-apply for the expansion phase. Gusto na rin nila makita kung paano nila ita-transition from this pilot to the actual reopening of classes," ani Joyce Andaya, direktor sa DepEd.
— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.