MAYNILA — Kinondena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring pagharang ng Chinese coast guard sa resupply mission ng militar sa mga sundalong nakadestino sa Ayungin shoal.
Sa kanyang speech nitong Lunes sa ASEAN-China Summit kung saan present si Chinese President Xi Jinping, mariing kinondena ni Duterte ang pagharang at pagbomba ng water cannon ng China sa mga supply boats ng militar na magdadala lamang sana ng pagkain at iba pang kagamitan sa mga tropa na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.
"We abhor the recent event in the Ayungin shoal and view with grave concern other similar developments. This does not speak well of the relations between our nations and our partnership," ani Duterte.
Igiinit ng Pangulo ang pagsunod sa UNCLOS at ang makasaysayang desisyon ng UN Arbitral Tribunal noong 2016.
"Let us exercise utmost self-restraint and avoid the escalation of tensions. And most importantly, let us earnestly work towards the peaceful resolution of disputes in accordance with international law," ani Duterte.
"There is simply no other way out of this colossal problem but the rule of law," giit pa niya.
Pumalag naman sa ginawa ng China sa Ayungin shoal ang ilang presidential aspirants.
"If something happen to them under my watch, somebody will pay, definitely. Immaterial who they are, immaterial how powerful they are, they have to pay," ani Isko Moreno.
"Ang panghihimasok ng Tsina sa ating EEZ ang natural na kahihinatnan ng pagiging sunud-sunuran ni Duterte sa Tsina at ng kanyang kataksilan sa bayan," sabi naman ni Leody de Guzman.
Samantala, nanawagan ang international maritime affairs law expert na si Jay Batongbacal na bumoto ng susunod na lider na maninindigan sa soberaniya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
"Yung susunod po, hindi dapat po uli tayo magpabilog ng ulo. Huwag naman po tayo boboto ng liderato na itutuloy lang nang basta-basta itong dati nang maling polisiya ng ating administrasyon," sabi ni Batongbacal.
Samantala inanunsiyo naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na natuloy ngayong araw ang pag-alis ng panibagong resupply mission mula Oyster bay sa Palawan papuntang Ayungin shoal.
Siniguro rin umano ng Chinese Embassy na hindi sila haharangin pero nakiusap umano ang China na dapat walang escort ang mga ito.
—Ulat nina Pia Gutierrez at Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.