Murder suspect patay sa engkuwentro sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2020 02:29 PM

Napatay ang isang hinihinalang carnapper at murder suspect matapos makaengkuwentro ng mga awtoridad sa Davao City noong Nobyembre 21, 2020. Retrato mula sa Talomo Police Station, Davao City

Patay ang isang lalaking hinihinalang dawit sa carnapping at pagpatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Davao City madaling araw ng Sabado.

Kinilala ng pulisya ang nasawing suspek bilang si Mossanip Rabbam Jumdaine, 20 anyos.

Lulan ng motorsiklong walang plaka si Jumdaine nang umiwas sa routinary police visibility sa Bangkal, Davao City, ayon sa pulisya.

Nagpaputok umano ng baril ang suspek nang habulin siya ng mga awtoridad kaya nagkaroon ng engkuwentro.

Napag-alaman umano ng mga awtoridad na carnapped vehicle ang sinakyang motorsiklo ni Jumdaine. 

Ayon sa ulat ng pulisya, nakuha sa suspek ang isang homemade .38 caliber revolver, pakete ng hinihinalang shabu at motorsiklong ninakaw noong gabi ng Biyernes sa Relief Bridge.

Si Jumdaine ay suspek din sa brutal na pagpatay sa sales clerk na si John Lester Quirog sa Ulas bridge noong Marso 16, ayon sa Talomo police.

Nahaharap din sa kasong carnapping si Jumdaine kaugnay sa insidenteng nangyari noong Nobyembre 15.

Sangkot din umano siya sa serye ng pagnanakaw at akyat-bahay sa Barangay Talomo.

-- Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.