Lalaki huli sa pagnanakaw ng diaper, gatas sa Taguig grocery

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2020 11:56 AM

Huli ang isang lalaki sa Taguig City noong Nobyembre 21, 2020 dahil sa umano'y pagnanakaw ng mga grocery item. Retrato mula sa Southern Police District

MAYNILA — Arestado ang isang lalaki dahil sa pagnanakaw ng mga grocery item sa Taguig City hapon ng Sabado, ayon sa pulisya.

Ayon sa ulat ng Southern Police District, nag-grocery ang suspek, 37, sa isang supermarket sa Bonifacio Global City nang bigla siyang lumabas ng establisimyento nang hindi dumadaan sa cashier.

Nakita umano ng guwardiya na may dalang grocery items ang lalaki. Pero nang hingan ng resibo ay walang maipakita ang suspek, kaya agad siyang hinuli.

Nakuha sa suspek ang isang malaking pack ng diaper, 4 na pack ng gatas, isang pack ng hotdog, 10 pakete ng 3-in-1 coffee, at isang air freshener. May kabuuang P3,500 ang grocery items.

Nakadetene sa Taguig Police Station ang suspek, na mahaharap sa reklamong theft.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.