PatrolPH

Ilang motorista umaaray sa pagsasara ng EDSA U-turn slots

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2020 05:51 PM | Updated as of Nov 23 2020 02:06 AM

Ilang motorista umaaray sa pagsasara ng EDSA U-turn slots 1
Isa sa mga U-turn slot sa EDSA na isasara sa Nobyembre 23, 2020 ng Metropolitan Manila Development Authority. ABS-CBN News

Nasa P200 na lang ang kita ni Benigno Ablong sa pamamasada ng taxi at nangangamba pa siyang mabawasan ito dahil sa unti-unting pagsara ng mga U-turn slot sa EDSA.

"Talagang malaki epekto sa amin. Biruin mo naman ang layo ng ikot, umiikot pa kami, ang gas namin halos magkanda ubos-ubos na, wala pang pasahero," ani Ablong.

Simula Lunes, isasara na ang mga U-turn slot sa may Balintawak at Oliveros Drive.

Iniisip pa ng motoristang si Jun Alde ang kaniyang magiging diskarte lalo't madalas niyang ginagamit ang isa sa mga U-turn para pumunta ng palengke.

"Kung isasara bukas, malayo iikutan namin, bale sa Quezon Ave[nue] na. Malaki na magagastos namin sa diesel," ani Alde.

"Namimili po ako rito sa Cloverleaf, galing kasi ako ng Valenzuela. Kung iikot kami sa Q Ave malayo talaga," aniya.

Watch more on iWantTFC

Sa tala ng MMDA, nasa 200,000 o kalahati sa normal na volume ng sasakyan ang bumibiyahe ngayon sa EDSA.

Dahil dito, hindi pa ramdam ang epekto sa traffic ng mga nakabukas na U-turn slots na sumasapaw sa daanan ng mga city bus.

Nasa 13 U-turn slots sa kahabaan ng EDSA ang target na isara ng MMDA hanggang sa katapusan ng taon.

"Napakaimportante na masara ang U-turn slots dahil 'pag bumalik na po ang normal na bilang ng mga sasakyan... magiging traffic choke point po 'yan. 'Yun ang kailangan natin iwasan," ani MMDA Spokesperson Celine Pialago.

Ayon kay Pialago, bumagal ang takbo ng mga sasakyan nang lagyan ng U-turn slots ang EDSA.

Inaasahan ni Pialago na mas mabilis ang biyahe pagsara ng mga U-turn slot kahit bumalik sa dating volume ang mga sasakyan sa EDSA.

Nanawagan naman ang mga siklista na mapanatili ang maayos at ligtas na bike lane, lalo't marami-rami pa rin ang nagbibisikleta papasok ng trabaho.

Sa okasyon ng National Bike Day, na ipinagdiriwang tuwing ika-apat na linggo ng Nobyembre, muling ipinaalala ng MMDA sa mga siklista na sundin ang batas-trapiko.

Tiniyak naman ng MMDA na handa itong sumuporta sa iba pang local government unit kaugnay sa pagpapaayos ng bike lanes.

Bukod sa MMDA, nakatutok din ang nasa 200 tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa kaligtasan ng bikers sa EDSA.

Taas-presyo sa toll fee

Samantala, inaalala na ng ilan ang nakaambang taas-presyo sa toll fee ng North Luzon Expressway simula Nobyembre 25.

Inaprubahan ng Toll Regulatory Board ang pagtaas nang P4 hanggang P11 singil pagpasok sa expressway mula Metro Manila.

Nasa P9 hanggang P25 naman ang idinagdag sa toll fee sa mga bumibiyahe mula Metro Manila hanggang Pampanga.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.