PatrolPH

Hustisya hiling ng pamilya ng namatay sa trahedya sa Skyway

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2020 04:37 PM | Updated as of Nov 25 2020 09:04 AM

Hustisya hiling ng pamilya ng namatay sa trahedya sa Skyway 1
Isang lalaki ang nasawi matapos bumagsak ang steel girder sa bahagi ng Skyway extension sa Muntinlupa City noong Nobyembre 21, 2020. Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Hustisya ang hiling ng pamilya ng namatay sa pagbagsak ng steel girder sa Skyway extension sa Muntinlupa City noong Sabado.

Kinilala ang nasawi bilang si Edison Paquibot, na nakamotorsiklo at papasok sa trabaho sa Taguig nang bumagsak ang steel girder sa mismong dinadaan niya. Apat na iba pa ang nasugatan sa insidente.

Ayon sa abogadong si Jeamie Salvatierra, pursigido ang kliyente niyang pamilya Paquibot na kasuhan ang lahat ng may pananagutan sa trahedya.

"Dapat managot kung may negligence o fault, lahat po, lahat po ng kumpanyang puwede po," ani Salvatierra.

"May mga hearsay na pagluwag ng turnilyo ba kaya bumagsak, may natamaan. So baka may fault sa machine, hindi masabi. So, maghihintay na lang kami ng official report po from the companies kung ano man po," aniya.

Watch more on iWantTFC

Halos madurog naman umano ang puso ni Marilou Paquibot nang puntahan sa ospital ang labi ng mister na si Edison.

"Mayroon po kaming anak, 4 years old pa lang siya. Hanggang ngayon, hindi pa niya alam, wala na ang papa niya... Sabi namin nasa work lang 'yong daddy niya," ani Marilou.

Sa video na ibinahagi sa ABS-CBN News ng Alabang Bulletin, makikita ang aktuwal na pagbagsak ng steel girder na ipinatong sa konkretong poste ng Skyway.

Unang tumabingi ang crawler crane na mistulang matutumba nang masagi nito ang girder.

Nakakulong na sa Muntinlupa City Police headquarters ang operator ng crane, na nahaharap sa mga kasong homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Humingi naman ng paumanhin si San Miguel Corp. (SMC) COO and President Ramon Ang, na aminadong may responsibilidad din ang SMC sa insidente.

"Even with a contractor handling construction, ultimately, we are responsible for the welfare of those who were affected. I would like to personally apologize to the victims and their families, as well as to our larger community in Muntinlupa," ani Ang.

Nangako si Ang na tutulong sa mga naapektuhan.

Una nang nangako ng tulong ang SMC, na nangangasiwa sa Skyway, pati ang contractor na EEI Corp.

Nanawagan naman si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ng malalimang imbestigasyon sa aniya'y napigilan sanang aksidente.

Para kay Marilou, kailangan ding matiyak ng gobyerno ang kaligtasan ng publiko sa mga ganitong proyekto.

Sa ngayon, balik normal na ang daloy ng trapiko sa pinangyarihan ng aksidente.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.