CEBU CITY, Cebu - Isang tindero ng prutas ang nakitang pinaalis na sapilitan ng mga kawani ng Prevention, Restoration, Order Beautification and Enhancement (PROBE) sa harap ng isang mall sa Barangay Mabolo sa lungsod na ito.
Sa video ni Joseph Deriada, makikita ang pagtataboy ng dalawang lalaking nakapula sa nasabing tindero ng kiat-kiat sa tabi ng daan.
Pahirapan ang pagpapaalis ng lalaki hanggang humantong na sa paggamit ng dahas ang mga taga-PROBE.
Isasailalim sa imbestigasyon ang apat na sangkot sa insidente.
Ayon sa pangulo ng PROBE na si Raquel Arce, nailipat na sa ibang assignment ang mga kawani.
Aniya, makailang ulit na ding nasabihan ang vendor dahil sa tigas ng ulo nito at patuloy na pagtitinda sa ipinagbabawal na lugar.
Pero inamin niya na posibleng may pagkukulang din ang kanyang mga miyembro kaya hinikayat niya ang vendor na magsampa ng kaso sa city attorney's office laban sa mga kawani.
Humingi si Arce ng paumanhin sa publiko sa nagawa ng apat, at pati ng pag-intindi na may batas silang kailangang ipatupad na kailangan sundin ng mga tindero.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.