Pagkumpleto ng ilang venue sa SEA Games minamadali na

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 07:45 PM | Updated as of Nov 22 2019 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Minamadali nang tapusin ang ilan pang venue na gagamitin para sa mga events sa paparating na Southeast Asian Games, gaya ng mga pagdarausan ng sporting events sa Tagaytay City. 

Ayon sa project engineer na si Lyka Cancseko, nasa 93 hanggang 95 porsiyento nang kompleto ang mga venue na gagamitin sa skateboarding at cycling-BMX. 

"Tuloy-tuloy po ang trabaho nag-o-overtime din po yung iba as much as possible," pahayag ni Cancseko. 

Wala pang bubong ang audience bleacher at ikakabit pa lang ang mga upuan para sa bleacher ng mga VIP. 

Paliwanag ng contractor na si Wharton Chan, naantala ang kanilang paggawa dahil sa pabag-bagong panahon at sa pagpako sa pag-apruba ng 2019 National Budget. 

"Yung budget natin late na-approve yung GAA for 2019. Although na-late siya tuloy-tuloy naman kami gumagawa but we are following plans and programs so late din na lumabas yung plans and programs so kami rin... Tumitigil din kami," ani Chan. 

Sa Lunes pa aniya ide-deliver ang mga bubong na gagamitin para sa audience at VIP. 

Samantala, tapos na ang skating park at BMX track na gagamitin ng mga atleta. 

Tinatapos na lang ngayon ang street skate boarding park, na may sukat na 2,600 square meters. Pero iginiit ni Chan na maaari na itong subukan ng mga atleta. 

Tiwala sina Chan at Cancseko na matatapos ang konstruksyon bago magsimula ang mga palaro. 

Watch more in iWant or TFC.tv

ILANG TRAFFIC SCHEME, ROAD CLOSURES INILATAG 

Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority na isasara ang ilang kalsada sa Kamaynilaan sa Southeast Asian Games, na magsisimula sa Nobyembre 30. 

Narito ang mga isasarang lugar, simula alas-12:01 ng umaga ng Nobyembre 30. 

  • Sa kahabaan ng Adriatico - mula Pres Quirino hanggang P. Ocampo (parehong direksyon)
  • Sa kahabaan ng P. Ocampo – mula Taft Ave. hanggang Adriatico (westbound direction)

Magkakaroon din ng rerouting ang MMDA sa mga sumusunod na lugar: 

Galing Taft Ave: 

  • Kung papuntang westbound lane ng Pres. Quirino Ave at nais lumiko ng Adriatico St., maaaring dumiretso sa Roxas Boulevard o Mabini St. 
  • Kung nais namang dumaan ng westbound lane ng P. Ocampo, maaaring dumaan sa Menlo St. at Donada papunta sa destinasyon.

Galing Roxas o FB Harrison: 

  • Kung gumagamit ng eastbound lane ng P. Ocampo at nais dumaan sa Adriatico St., dapat na dumiretso sa Taft Ave patungo sa destinasyon.
  • Kung dadaan naman sa Pres. Quirino at nais dumaan sa Adriatico St., dapat dumiretso sa patungong destinasyon.

Nag-abiso na rin ang MMDA na inaasahan ang delay sa mga lugar papunta sa ilang venue sa Metro Manila. 

Watch more in iWant or TFC.tv

DRIVER-LESS NA SASAKYAN AARANGKADA SA SEA GAMES
 
Samantala, aarangkada na ang kauna-unahang sasakyang walang driver sa Pilipinas sa SEA Games. 

Gagamitin ang driverless shuttle sa New Clark City sa Capas, Tarlac. 

Gawa ang sasakyan mula sa Florida sa Estados Unidos. Kaya nitong magsakay ng hanggang 14 na pasahero at kayang bumiyahe na 40 kilometro kada oras. 

Ang shuttle ang maghahatid-sundo sa mga atleta at delegates sa mga sports venue sa loob ng New Clark City. 

-- May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games