Mga labi ng 2 batang nalunod, natagpuan na

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 01:18 PM

Sa Purok Hechanova (L) sa Barangay Paraiso sa Koronadal City nakita ang bangkay ni Reggie Bay Sabay, habang sa Purok Sto. Niño (R) naman natagpuan ang mga labi ng kaniyang pinsang si Raymund Awan. Kapuwa apat na taong gulang ang mga bata na tinangay ng malakas ng alon habang naliligo sa irrigation canal. Larawan mula sa South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office

KORONADAL CITY, South Cotabato – Natagpuan na ang mga bangkay ng mag-pinsang bata halos 4 na araw matapos na nalunod sa irrigation canal sa Sitio Salkan sa Barangay Paraiso.

Unang nakita ang bangkay ng 4 na taong gulang na si Reggie Bay Sabay sa sapa ng Purok Hechanova sa nasabing barangay, Biyernes ng umaga.
 
Nakataob at natakpan na ng mga kawayan ang bangkay ng bata.

Makalipas ang 3 oras, nakita naman sa Purok Sto. Niño sa parehong barangay ang mga labi ng pinsan nitong si Raymund Awan, 4.

Ang kaniyang bangkay ay natabunan na rin ng lupa at punong kahoy.

Naliligo ang mag-pinsan sa irrigation canal nang tangayin ng malakas na agos ng tubig Martes ng hapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.