Lola, namatay 'sa hirap' sa evacuation center sa Davao del Sur

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 08:40 PM

MAGSAYSAY, Davao Del Sur - Matapos makaranas ng sunod-sunod na mga lindol, namatay ang isang 86-anyos na matandang babae sa kaniyang tent sa evacuation center sa Barangay Balnate sa bayan na ito Lunes ng umaga.

Sa nasabing evacuation center binurol ng kanyang pamilya si Pandit Awe dahil wala ng umanong iba lugar para dito at hindi na rin sila pinayagang makabalik pa sa kanilang bahay sa Barangay Tagaytay.

Ayon sa anak ni Awe na si Lydia, hindi man namatay sa lindol o landslide ang kanyang ina, namatay naman ito sa "hirap" at "di komportable" na evacuation center.

Mainit sa loob ng tent umano ng matanda kaya matindi ang naging ubo nito. Nahirapan din itong huminga hanggang sa kaniyang pagkasawi.

"Sa una, mabuti pa pakiramdam niya. Pero makaraan ng ilang gabi, nagreklamo na siya na mainit talaga kahit na may trapal at may tela na ginawa kong parang kisame," ani Lydia.

Di naman inakala ng kapatid ni Awe na si Carmen, 76, na mangyayari ito. Mahigit isang taon umano na hindi sila nagkikita at sa kabaong na niya pala muling masisilayan ang kapatid.

"Nagkakasakit ako dahil sa lungkot na pagkawala ng ate ko," ani Carmen.

Ayon sa nurse na si Kenneth Caballero, apat na taong nakahiga si Awe dahil sa mild stroke pero pneumonia umano ang ikinamatay nito.

"Pinuntahan siya ng doktor noong may medical mission dito. Parati niyang reklamo ang sakit sa tiyan nya at sa likod niya. Binibigyan din namin siya ng gamot," ani Caballero.

Nakatakdang ilibing sa Sabado si Awe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.