Halos 1,000 huli sa unang araw ng crackdown ng LTO vs traffic violators

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 08:11 PM | Updated as of Nov 22 2019 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Halos 1,000 ang nahuli ng Land Transportation Office sa kanilang crackdown kontra sa mga lumalabag sa batas trapiko, simula Biyernes. 

Kabilang sa mga nahuli ang dalawang pulis at isang kawani ng Bureau of Jail Management and Penology na wala umanong helmet at seatbelt. 

Ayon kay Clarence Guinto, regional director ng LTO sa Metro Manila, aabot sa 916 ang nahuli sa "simultaneous" crackdown na ginawa ng ahensiya sa iba't ibang rehiyon.

"Intensified campaign ito, synchronized ang lahat ng agencies sa buong bansa," aniya. 

"This is the first time na we do it synchronized. Dati kani-kaniya kami. Ngayon sabay-sabay po kami ngayon nakipag-coordinate kami sa PNP, DPWH, DENR, sa LGU," 

Sa unang araw ng "crackdown" aabot sa 546 ang nahuli sa maling loading at unloading, illegal parking, at obstruction, alinsunod sa Republic Act 4136 o Disregarding Traffic Signs. 

Sumunod naman ang mga hindi gumagamit ng seatbelt (195), walang suot na motorcycle helmet (118) overloading ng truck (76), lumabag sa child safety on motorcycles (18) at mga nagte-text 
habang nagmamaneho (16). 

Aabot sa 11 sasakyan ang na-impound dahil hindi rehistrado at overloaded. 

Batay sa paunang ulat na nakuha ng law enforcement unit ng LTO sa maghapong operasyon, pinakamarami ang natiketan sa Davao City na nasa 332. 

Pumangalawa sa pinakamaraming natiketan ang Iloilo (152) at NCR (147). 

Nanawagan ang LTO sa mga nahuli na dumulog sa kani-kanilang tanggapan ang mga nahuli para bayaran ang mga multa nila. 

Padadalhan din nila ng show-cause order ang mga tsuper na nakitaan na ng maraming traffic violation.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.