Construction worker, patay sa pamamaril sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 04:07 AM | Updated as of Nov 22 2019 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Bumulagta sa sala ng kanyang bahay sa Mastrile St., Dulong Bayan, Barangay Bambang, Taguig ang 49-anyos na construction worker na si Rogelio Esteban, alyas Elyong.

Tadtad ng tama ng bala ang kanyang ulo, leeg, at ibang bahagi ng katawan matapos pagbabarilin pasado alas-11 ng gabi Huwebes.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Erika Maglangit, nanonood noon ng TV si Esteban nang may kumatok sa bahay. 

Pinapasok muna ni Esteban ang dumating bago kinausap sa labas. Nakarinig si Maglangit ng sigawan at murahan. 

Maya-maya pumasok naman ang isa pang lalaki, na sinigawan si Maglangit na pumasok sa loob ng kuwarto. 

Nakarinig na siya ng sunod-sunod na putukan pagkatapos. 

Bukod sa dalawang bala, narekober ng Scene of the Crime Operatives ang 8 basyo ng bala ng kalibre .45 at 10 basyo ng bala mula sa 9mm na baril. 

Nakakuha rin sila ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu mula sa crime scene. 

Ayon kay Maglangit, naramdaman niyang balisa ang kinakasama noong gabi bago ang pamamaril, pero wala itong sinabi sa kaniyang banta sa buhay. 

Sabi naman ng anak ng biktima na si Roxanne, wala siyang alam na nakaaway ang ama. 

Giit din niya, matagal nang tumigil si Esteban sa paggamit ng shabu. 

Naulila ni Esteban ang tatlong anak at walong apo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.