PatrolPH

Caretaker tiklo matapos tangkaing ibenta ang bahay, lupa ng among OFW

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 10:12 PM

ANGELES CITY, Pampanga - Isang caretaker ang inaresto matapos umano niyang tangkaing ibenta ang bahay at lupa ng kaniyang among OFW sa Pampanga.

Ayon sa OFW na si Marita Esseler, sa Enero pa sana siya uuwi mula Estados Unidos pero napaaga ang kaniyang dating sa bansa matapos niyang marinig ang balitang ibinebenta ng suspek ang bahay niya sa bayan ng Magalang na kaniyang binili noong nakaarang taon.

“Ang dami ko na napadalang pera medyo ninenerbiyos na'ko. Later on, sabi ko, 'Bakit parang kulang na ang pinapadala niya sa'king mga resibo, hingi na ng hingi ng hingi ng pera,” ani Esseler sa panayam niya sa ABS-CBN News nitong Biyernes.

Sa tulong ng pulisya, natigil ang nakatakda sanang pagbebenta ng suspek sa naturang property sa halagang P5 milyon nitong Nobyembre 21.

“Noong natapos na yung transaction nila dun sa loob, 'yun pumasok na kami. ‘Dun na namin nakita 'yung mga pekeng documents, at the same time, 'yung marked money natin,” ani Police Capt. Leopoldo Cajipe, direktor ng CIDG-Angeles City.

Nakuha mula sa suspek ang pinekeng titulo ng lupa at special power of attorney na may gawa-gawang pirma ng biktima. Dito din nadiskubre na maging ang sasakyan na pag-aari ng OFW ay isinangla din ng suspek.

Ayon sa pulisya, mukhang nalulong sa sugal ang suspek dahil na din sa mga nakitang bingo receipts, na itinanggi naman ng suspek.

Panawagan naman ng mga awtoridad na huwag basta-basta magtitiwala, lalo na sa pagkuha ng caretaker o kasambahay.

Nahaharap sa mga kasong Falsification of Public Document at paglabag sa RA 9105 o Art of Forgery Act of 2001 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.