Walang isinuko: 'Karapatan ng Pilipinas nanaig sa PH-China oil deal'

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 08:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng mga opisyal ng gobyerno na bersiyon ng Pilipinas ang nanaig at pinirmahang dokumento na mangangasiwa sa "pakikipagtulungan" sa China sa paghahanap ng langis sa West Philippine Sea. 

Sa isang tweet, iginiit ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na walang dapat ipangamba dahil "hindi pa binding" o hindi obligado ang Pilipinas at China na sundin ang nilagdaan nilang "memorandum of understanding on cooperation on oil and gas development."

Pagmamalaki pa ni Locsin, siya mismo ang sumulat ng naturang dokumento. 

Wala pang isinasapublikong dokumento ang pamahalaan, pero may mga pahapyaw na detalyeng isinisiwalat ang iba't ibang opisyal. 

Ayon sa Department of Energy (DOE), nag-alok na ang gobyerno ng 14 na lugar sa bansa kung saan puwedeng maghanap ng gas at langis, at lahat ito ay nasa Philippine territory at wala sa conflict areas.

"The Philippines needs new energy sources as the demand for energy continues to rise amid the depletion of our current supplies... We can't wait for other problems to be resolved before we can do something," paliwanag ni DOE Secretary Alfonso Cusi.

[Kailangan na ng bansa ng panibagong pagkukuhanan ng enerhiya dahil sa lumalaking demand para rito at paubos na rin ang mga dati nating kinukuhanan. Hindi natin mahihintay na maresolba ang iba pang problema bago tayo kumilos.]

Ayon naman kay Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana, hindi pa nakasulat sa MOU ang hatian o tiyak na sasaklawing lugar ng exploration.

Ang mahalaga, ayon kay Sta. Romana, nakasaad na susunod ang kasunduan sa United Nations charter at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). 

Sa ilalim umano ng MOU, magkakaroon ng isang komite na bubuo ng framework o gabay sa loob ng isang taon, ani DOE Undersecretary Donato Marcos. 

"Ang kasama sa pag-uusap dito ay Depatment pf Finance, DOE, at Department of Justice para makita lahat ng aspeto ng pag-uusapan at ito ay hihimayin isa-isa ng ating mga lider sa ahensiya." 

Pero hindi lahat ay natutuwa sa kasunduan.

Ngayon pa lang, tingin ng Makabayan bloc, labag ito sa Saligang Batas.

"Sinasabi nila [parang] Malampaya model. Pero doon, ang kasunduan ay sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at isang private corporation. Hindi [gaya nito na] dalawang soberanong bansa ang nakikipagkasundo," ani ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio. 

Sa inilabas na joint statement matapos ang pagbisita ni Chinese President Xi Jinping, sinabi ng dalawang bansa na isinusulong nila ang kalayaang dumaan at makalipad sa ibabaw ng South China Sea.

—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.