Suspek sa pagpatay, arestado dahil sa naiwang t-shirt sa tabi ng bangkay

Dynah Diesto, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 09:57 PM

POLANCO, Zamboanga del Norte - Arestado ang isang magsasaka itinuturong pumatay sa isang babae sa bayang ito noong Lunes.

Miyerkoles nang maaresto ang 31 taong gulang na si Romel Halop. Siya ang itinuturong suspek ng mga residente ng Purok Happy Valley sa Barangay Sianib sa pagpaslang sa isang 56 taong gulang na babae.

Ito'y matapos makita ang t-shirt ng suspek na naiwan sa tabi ng bangkay ng biktima.

Ayon sa isang residente, bago pa nangyari ang krimen ay nakita pa nilang magkasama ang biktima at ang suspek na nag-inuman at nagsayaw sa isang birthday party na kanilang dinaluhan.

Sa imbestigasyon, lumalabas na posibleng ginahasa ng suspek ang biktima bago ito pinatay. 

“Sa initial na investigation natin may possibility may signs naman na may possible na rape nakita doon na cause of death is parang ano po sa tao sinakal,” ani Police Senior Inspector Gregorio Joel Bungulan, OIC ng Polanco Police Station.

Kinasuhan na ng kasong pagpatay ang suspek at posibleng dagdag kaso sa panggagahasa ang haharapin nito kung magpositibo ang resulta ng ginawang pagsuri ng medico-legal sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.