Pinakamahabang tulay sa bansa, sumasailalim sa pagsusuri

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 06:03 PM

Inaprubahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsusuri sa structural integrity ng San Juanico Bridge, ang pinakamahaba at pinakamataas na tulay sa bansa na nagdudugtong sa Samar at Leyte.

Ayon kay DPWH-Region 8 Assistant Regional Director Eric Ayapana, ang gagawing bridge inspection ay gagamitan ng teknolohiya ng drone, at bahagi umano ito ng Technical Cooperation Project sa bansa ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Layon ng proyekto ang pagsasaayos ng kalidad ng mga highway at tulay sa bansa.

Ipinakita ng JICA Project Team sa DPWH ang naging initial findings ng kanilang inspeksiyon kamakailan sa nasabing tulay gamit ang mga drone.

"We are grateful for the support being provided by the Japanese government in our effort to incorporate technology in improving and preserving structural integrity of our public infrastructure," ani Ayapana.

[Nagpapasalamat kami sa suporta ng gobyerno ng Japan sa kanilang paraan ng paggamit ng teknolohiya upang masaayos at mapanatili ang ganda at tibay ng mga impraestruktura sa bansa.]

Ayon pa kay Ayapana, sa pamamagitan ng drone inspection ay mapabibilis ang kanilang inspeksiyon, at mas matipid at hindi rin delikado para sa kanilang mga tauhan.

Ayon kay JICA Project Team Leader at bridge expert na si Hideo Nagao, mas sakto ang mga datos na makakalap ng DPWH sa pamamagitan ng drone inspection.

Inaasahang lalabas na ang final assessment at evaluation ng JICA sa San Juanico sa Pebrero 2019.

Kasama rin ang Agas-Agas Bridge sa Southern Leyte sa mga sinusuri ng JICA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.