Tauhan ng DDB, tinangging inireklamo nila si Santiago

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:26 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Itinanggi ng mga empleyado ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang umano'y pagkakasangkot nila sa isinumiteng reklamo sa Malacañang laban sa dati nilang pinunong si Dionisio Santiago.

Ito'y matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Lunes na isa sa dahilan kung bakit pinasibak si Santiago'y dahil sa mga paratang ng katiwalian.

Isa sa mga dawit ay si Edith Mendoza, executive assistant sa DDB na tinawag na "girl Friday" at nobya umano ni Santiago.

Kasama umano si Mendoza sa isang pulong ukol sa droga sa Vienna, Austria. Sinagot umano ng gobyerno ang gastos sa nasabing biyahe.

Kabilang din si Mendoza sa ilang paborito umanong tauhan ni Santiago na kasama sa isang biyahe sa Amerika.

"The trip to Vienna, my boss asked me to come. I said 'yes' simply because I wanted to learn more and it's not really junket," depensa ni Mendoza.

Inilabas din ng Malacañang ang letter-complaint na umano'y ihinain ng mga tauhan ng DDB at pirmado ng isang Priscilla Herrera.

Kopya ng umano'y reklamong inihain ng Dangerous Drugs Board Employees Union laban sa dating DDB chairperson na si Dionisio Santiago. Kuha ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Pero ayon kay Herrera, wala siyang ginawa o pinirmahang sulat.

Pinatitingnan na ni Herrera sa Criminal Investigation and Detection Group ang pirma sa sulat.

"Maganda 'yong relasyon namin as boss and employee...wala akong makitang magandang rason para gawin iyon," ani Herrera.

Ayon kay Joann Desidero, pangulo ng DDB Employees Union, suportado nila ang kampanya ng Pangulo laban sa mga tiwaling opisyal pero hindi sa kanila galing ang letter-complaint.

Una nang itinanggi ni Santiago ang mga paratang sa sulat, kabilang ang pagtanggap umano ng bahay mula sa pamilya Parojinog na sangkot umano sa ilegal na droga.

Para naman sa Malacañang, hindi malaking isyu kung totoo o peke ang letter-complaint.

Sineseryoso umano ng Pangulo ang kahit anong reklamong may kinalaman sa katiwalian sa pamahalaan.

"Ang warning po doon sa mga napakataas na opisyales na subject to complete trust and confidence ng Presidente, mag-ingat po tayo," pahayag ni Roque. 

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.