SAPUL SA CCTV: Lolo, ninakawan habang namimili ng grocery sa CDO

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 08:52 AM

CAGAYAN DE ORO - Nalimas ng isang kawatan ang mahigit P40,000 na pagmamay-ari ng isang lolo sa loob ng tindahan sa Vicente Roa Street, Cagayan de Oro noong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktimang si Porserio Catubay suot ang pink polo shirt na nagbabayad ng kanyang pinamili sa cashier.

Maya-maya makikita ang kawatan, hawak ang isang batang babae, na tumabi sa biktima. May dala rin itong produkto na kunwari bibilhin nito.

Pumalpak ang kawatan sa unang beses ng pagdukot nito sa bulsa ng biktima.

Nang paalis na si Catubay, sinubukan uli ng kawatan na dumukot sa bulsa nito.

Nakuha ng kawatan ang pera at umalis kaagad kasama ang bata.

Ayon sa mga pulis, posibleng nasundan ang biktima galing sa pag-withdraw nito ng pera sa bangko.

Malinaw rin na ginamit ng kawatan ang bata sa kanyang modus para magsilbing panakip sa kanyang pagnanakaw.

"Ito pong victim nag-withdraw ng malaking halaga sa bangko. Sinundan siya kung saan siya namili," ayon kay Inspector Jason Sto. Domingo, deputy chief ng Police Station 2.

Dagdag ng mga pulis, malinaw sa CCTV na may iba pang kasabwat ang kawatan dahil ilang beses din itong sumesenyas sa mga kasamahan.

Gagamitin sana ng biktima ang perang nalimas para ipambayad sa anak nitong kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.