Pinalaking plaka sa motor, pinagdedebatehan pa sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:56 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Hati ang Kongreso sa panukalang lakihan ang plate number ng mga motorsiklo bilang pangontra sa umano'y tumataas na bilang ng krimen na kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem. 

Sa ilalim ng panukala, mula sa sukat na 4 x 8 inches, magiging 6 x 9 inches na ang plaka ng motorsiklo para mas madali itong mabasa.

Ito ay kasunod ng mga krimen kung saan madalas nagagamit ang mga motorsiklo. 

Noong Nobyembre 13 lamang, pinagbabaril ng riding-in-tandem ang isang tricycle driver sa Maynila. 

Isang guro rin ang naging biktima sa Antipolo City noong Nobyembe 17.

Pinatay din ang isang retiradong pulis ng anim na armadong lalaki sakay ng tatlong motorsiklo noong Nobyembre 18.

Suportado naman ng ilang mambabatas ang panukala pero mayroon ding naniniwala na Philippine National Police ang dapat kumilos sa problema ng riding-in-tandem. 

"I have to support this because in my district, grabe po'ng patayan," ani Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento.

"Bago po sumampa 'yung kriminal sa kaniyang motorsiklo o sa motorsiklo na ninakaw niya, dapat ho nahuli na 'yon," ayon naman kay Bukidnon 3rd District Rep. Manuel Zubiri.

Nauna nang inaprubahan ng mga senador ang panukalang magkaroon ng mas malaking plaka ang motorsiklo.

Umaalma naman ang mga grupo ng motorcycle riders dahil hindi anila mapipigilan ng malaking plaka ang mga kriminal.    

"Ang kriminal, hindi siya gagamit ng sarili niyang motorsiklo," giit ni Robert Perillo, pangulo ng Bulacan Motorcycle Riders Federation. 

Mas maganda rin anila kung aayusin muna ang problema sa kakulangan ng plaka.

Ayon naman sa Land Transportation Office (LTO), kukuha na ng bagong supplier para maayos na ang backlog kaya makabubuti kung isasabay ang mga panukala para sa bagong disenyo. 
 
“Plano po is sa early 2018 sana makapag-issue ang LTO ng plaka,” ayon kay Maribel Salazar ng Chief Administrative Division ng LTO.

Taong 2016 nang ipatigil ng Korte Suprema ang turnover sa LTO ng 700,000 license plates na pumasok sa Customs dahil sa notice of disallowance na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong 2015.

Naglalabas ang COA ng notice of disallowance kapag may nakitang iregularidad sa kontrata.

Samantala, base sa LTO ay isang milyon ang nadadagdag na motor sa Pilipinas kada taon kaya mahigit apat na milyon na ang rehistradong motor ngayon at 800,000 dito ang nasa Metro Manila. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.