NBI nagsimula nang magsiyasat sa kumalas na bagon ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:13 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umarangkada na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkalas ng isang bagon sa MRT-3 noong nakaraang linggo.

Naniniwala ang pamunuan ng MRT na may nanadyang kalasin ito dahil maraming safety measures ang MRT para hindi ito mangyari.

Wala rin silang nakitang palatandaan na ginalaw ang consul, na naglalaman ng circuit ng bagon.

"Kung ikaw ba'y pasahero, may nakita kang gumalaw diyan, ba't 'di mo sawayin? Tsaka kung puno ito [ng] pasahero, ang laki ng space para buksan 'yan," ani Manuel Mendoza, section head sa MRT.

Paliwanag ng MRT, sumasailalim sa maintenance at inspeksiyon ang bawat bagon kada araw matapos bumiyahe mula North Edsa hanggang Taft Avenue.

Nilinaw din nilang hindi ito ang unang pagkakataong may kumalas na bagon.

Subalit, electrical short circuit ang umano'y sanhi ng mga nakaraang pagkalas na hindi nila makita sa insidente kamakailan.

Kinuha rin ng NBI ang mga fingerprint na naiwan kung saan nilalagay ang Messma card, na nagtatala ng pagtakbo ng bagon gaya ng black box sa mga eroplano.

Subalit kalauna'y nawala ito.

Watch more in iWant or iWantTFC

Hindi sinabotahe

Hindi naman kumbinsido ang Busan Universal Rail Inc. (BURI), ang dating maintenance provider ng MRT, na pananabotahe ang sanhi ng insidente.

"Ano 'yan, mayroong maliit na tao na sumiksik sa ilalim ng coupler?" ani Charles Mercado, tagapagsalita ng BURI.

"Ayaw pa nila aminin, naghanap pa sila ng ibang kuwento para ma-mislead tayong lahat," ani Mercado.

Ayon sa BURI, matagal nang tinatago ng gobyerno at ng pribadong kompanyang may-ari ng MRT na mali ang binili nilang tren mula Prague, Czech Republic.

Basa sa dokumentong ipinakita ng BURI, ang nabili umano'y tram o street car na dapat sa patag na kalsada pinatatakbo, at hindi sa may pataas at pababang linya.

Dagpag pa rito ang sira-sirang riles.

Bumitaw ang coupler sa pagitan ng Ayala at Buendia, na palusong at paakyat ang linya.

Marami na rin umanong binago para umayon ang tren sa Metro Manila, tulad ng taas, air-conditioning unit, at coupler.

Batay pa sa nakuhang dokumento ng BURI, dati na umanong may crack ang mga chassis ng tren.

Nakiusap ang mga opisyal ng BURI na sana'y pakinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang panig hinggil sa problema sa riles.

Para naman sa pribadong may-ari ng MRT, nakasalalay sa maintenance provider ang maayos na pagtakbo kahit anong klase pang tren ang bilhin.

"With any vehicle, whether a streetcar or LRV (light rail vehicle), it is the failure of the maintenance provider to provide spare parts that is the cause of deterioration if not complete damage," pahayag ng Metro Rail Transit Corporation.

("Kahit anong behikulo, mapa-streetcar o LRV, kabiguan ng maintenance provider na magbigay ng spare parts ang nagiging sanhi ng pagsama ng kondisyon, kung hindi man pagkasira.")

Iniisip ng gobyerno na magdaos ng emergency procurement para ayusin ang suliranin ng MRT.

Kasalukuyang pinatatakbo ng gobyerno ang MRT matapos putulin ang kontrata ng BURI.

-- Ulat nina Niko Baua at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.