Monumento ni Bonifacio, tinanggal sa Makati

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 08:46 PM | Updated as of Nov 22 2017 11:59 PM

Inilagay muna sa kahon na gawa sa plywood ang tinaggal na monumento ni Andres Bonifacio sa Makati City. Screengrab

Tinanggal ng Department of Public Works and Highways ang monumento ni Andres Bonifacio sa Makati City isang linggo bago idaos ang ika-154 anibersaryo ng kapanganakan ng bayani.

Ayon sa DPWH, kinailangang tanggalin ang monumento ng rebolusyonaryo sa kinatitirikan nito sa isang bahagi ng West Rembo dahil tatamaan ito ng isang ginagawang flyover na magdurugtong sa Ortigas at Bonifacio Global City (BGC).

"We secured permits to construct a 4-lane bridge from BGC to Ortigas. Nag-allocate ng P39 million for security and restoration so ibabalik siya (monumento) doon at mas maayos pa kaysa sa dati," saad ni Karen Jimeno, Undersecretary for Legal Affairs and Priority Projects ng DPWH.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman sa National Historical Commission of the Philippines, dapat naabisuhan muna sila bago tanggalin ang monumento ni Bonifacio mula sa kinalalagyan nito.

"It's a form of desecration [of] the monument. Lahat ng heritage issue may necessary weight," ani Reynaldo Lita, officer-in-charge ng Historic Preservation Division ng NHCP.

"We advise the DPWH to secure the monument and markers and place it in a safe, secluded part na hindi masisira," dagdag ni Lita.

Giit ng DPWH, ibabalik naman ang monumento ni Bonifacio sa dati nitong lugar kapag natapos na ang pagpapagawa ng flyover.

Nanghingi rin ng pang-unawa mula sa publiko ang DPWH lalo na't maraming motorista ang makikinabang kapag natapos na ang kanilang proyekto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.