Lalaki, arestado matapos magnakaw ng 3 hamon de bola

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 04:49 AM

Arestado ang isang lalaki matapos umanong maaktuhang nagnakaw ng 3 hamon de bola sa isang supermarket sa Mandaluyong City Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Eugene Villegas, 38 anyos.

Ayon kay Sherwin Pattawi, security guard ng supermarket, naaktuhan niyang nilagay ni Villegas ang mga hamon sa bag niya.

Maya-maya, umalis sa establisyemento ang suspek na agad namang sinundan ng gwardya.

"Sinita ko. Hinanapan ko ng resibo. Walang maipakita. Pag-check ko sa bag, andun ang mga hamon," sabi ni Pattawi.

Kaagad inaresto si Villegas at dinala sa istasyon ng pulis.

Nang panayamin ng ABS-CBN News ang suspek, hindi siya nagpaunlak ng pahayag.

P525 ang presyo kada isang hamon de bola. Sa halagang P1,575, mahaharap sa kasong theft si Villegas.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.