Kompanyang umano'y nanloloko sa online betting, timbog sa Pampanga

Pauline Manalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 03:54 PM

ANGELES CITY - Arestado ang 11 empleyado ng isang home-based telemarketing company sa Barangay Pulung Maragul dito, Martes, dahil sa pandaraya umano sa online betting.

Ayon sa imbestigasyon, gumagamit ang grupo ng mga SIM card para makapasok sa isang messenger application sa South Korea kung saan nang-eengganiyo sila ng mga gustong pumusta.

Magpapadala sila ng imbitasyon na sumali sa online betting sa mga nasa South Korea. 'Yung mga sasali, hihingan ng credit card information, ayon kay Chief Insp. Joseph Villaran.

Nakuha mula sa opisina ng kompanya ang sako-sakong SIM card at computer sets.

Itinanggi ng mga may-ari ng kompanya na sina Levi Parker at Jang Yung Ching na ilegal ang kanilang operasyon.

Tumangging humarap sa kamera si Parker ngunit nagpakita ng mga dokumento na umano'y magpapatunay na legal ang kanilang telemarketing company.

Haharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.