Ilegal na katayan, litsunan sa isang garahe sa QC, sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:00 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang ilegal na katayan ng baboy at litsunan sa Barangay Novaliches Proper, Quezon City.

Una nang sinugod ng Quezon City Veterinary Department ang isang tindahan sa Novaliches na inirereklamo sa pagbebenta umano ng "hot meat" o karneng galing sa ilegal na katayan.

Nang puntahan nila ang ilegal na katayan sa isang pribadong subdivision, bumungad sa kanila ang lutuan ng litson na nasa maruming garahe ng bahay.

Nakuha rin ang ilang gamit sa pagkatay ng baboy.

Nasa loob din ng compound ang kulungan ng baboy.

Sa loob ng isang freezer naman nakuha ang lumalabas na "hot meat" dahil doon sa mismong lugar lang kinatay.

Labag ang litsunan sa Republic Act No. 9296 o Meat Inspection Code.

Bukod rito, natuklasang wala itong business, sanitary, at roasting permit. Wala rin itong barangay at veterinary clearance.

Irerekomenda ng QC Veterinary Department ang pagpapasara sa litsunan.

Nagbabala rin sa publiko na maging maingat sa pagbili ng mga karne at lechon.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.