ALAMIN: Paano bumibili ng mga gamit ang gobyerno?

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 05:45 PM | Updated as of Nov 22 2017 05:52 PM

Kadalasan nahaharap ang mga opisyal ng gobyerno sa mga reklamong plunder (pandarambong) at graft dahil sa mga maanomalyang paggamit ng pondo o pagpasok sa mga kontrata.

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakapaloob sa Republic Act No. 9184 o "Government Procurement Reform Act" ang mga alituntunin para sa makatarungan at maayos na pakikipagkasundo ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga partido mula sa pribadong sektor. 

Ang "procurement" ang proseso ng mabusising paghahanap ng gobyerno ng mga produkto at serbisyo. Sakop din nito ang pagpasok ng gobyerno sa mga kasunduan.

"Sa gobyerno, kapag mayroon kang gustong bilhin, kailangan lahat iyan dumadaan sa proper procedure," ani Atty. Claire Castro sa programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM.

Ngunit hindi basta-basta ang pagpili sa isa pang partidong makakasama ng gobyerno sa kasunduan.

Ipinag-uutos ng batas na magkaroon ng "competitive bidding."

Ibig sabihin, ipapaalam ng ahensiya ng gobyerno na nais nitong bumili ng produkto o pumasok sa kasunduan upang maanyaya ang lahat ng mga interesadong partido.

"Dapat ito’y ina-advertise...para lahat ng qualified na may kakayanan, puwedeng sumali. Since competition ito, silang lahat na qualified, lahat sila magbibigay ng presyong kaaya-aya sa gobyerno," paliwanag ni Castro.

Hindi nangangahulugang kukuhanin agad ng gobyerno ang partidong magbibigay ng pinakamababang presyo.

"Ano ba ‘yong pinaka-okay, pinakamatibay? Saan mag-gain ang gobyerno?" ani Castro.

Kinakailangan munang suriin ng Bids and Awards Committee (BAC) ang kalidad ng produkto o serbisyong handog nito.

Binubuo ang BAC ng lima hanggang pitong miyembro, na magmumula sa procuring agency o ahensiyang papasok sa kasunduan.

Tinitiyak din ng batas na mayroong pananagutan ang mga pampublikong opisyal na may kaugnayan sa procurement process at pagpapatupad ng procurement contracts sakaling magkaroon ng anomalya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.