290 'nasampolan' sa motorcycle lane; aksidente kumaunti

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 09:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit 200 motorcycle riders ang nasampolan sa unang araw ng mahigpit na pagpapatupad ng motorcycle lane sa EDSA.

Sa tala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Miyerkoles, alas-5 ng hapon, 290 na ang mga motorista na nahuling lumabas sa motorcycle lane.

Mula alas-6 ng umaga ng Miyerkoles hanggang tanghali, umabot agad sa 234 ang nasampolan: 154 ang nahuli ng ground enforcers at 80 sa no-contact apprehension.

Sa mahigpit na pagpapatupad ng motorcycle lane, bawal nang lumabas sa itinalagang lane ang mga naka-motor.

Bukod sa huhulihin, magmumulta rin ng P500 ang mga lalabag. 

Giit ng MMDA, hindi naman inaapi ang mga riders dahil ang ikaapat na lane mula sa bangketa ang kanila at puwedeng mag overtake pero dapat sa kaliwa.

Puwede ring nag-splitting o dadaan sa pagitan ng private lane at motorcycle lane.

“’Yang kampanya natin, last week pa ‘yan. Nag-dry run tayo and everything. Ginawa natin ‘yan. Siguro naman hindi kami nagkulang ng paalala sa kanila,” ayon kay Jojo Garcia, assistant general manager for planning ng MMDA.

Pakiusap pa ng MMDA sa private cars na dumadaan sa ikaapat at ikalimang lane, magbigay rin para makadaan ang motor. 

“Huwag niyo na pong harangan ‘yung mga rider natin. Wala naman pong mawawala sa atin kung ‘yan ay dadaan. Huwag ho kayong mag-unahan, hindi ho contest ‘yan,” ani Garcia. 

Sinabi rin ni Garcia na makabubuting magbigayan lalo na't di naman talaga nawawalan ng traffic sa EDSA, at nariyan pa rin ang problema sa dami ng mga sasakyan.

“Hindi naman namin talaga sinasabing mapapabilis natin ‘yan… Mas nakakarami, namamasahe po, medyo napapabilis naman natin ‘yung kanilang biyahe,” aniya. 

Dagdag pa ni Garcia, problema rin ang structural engineering ng EDSA o pag-eembudo ng mga daan.

Sa mga underpass gaya sa Cubao, Tuazon, Santolan, Shaw, at Ortigas, kumikipot ang kalye at mula apat na lanes, nagiging tatlo na lang.

Bilang ng aksidente

Samantala, sinabi ng MMDA na simula Lunes, Nobyembre 20, tatlo lang ang naitalang aksidenteng sangkot ang motorsiklo sa EDSA.

Nitong Martes, apat lang at ngayong Miyekoles, apat pa lang din ang naitatala.

Malaking pagbaba ito sa datos ng MMDA na average rate ng motorcycle accidents na naglalaro sa 55 hanggang 57 kada araw.

Ito ay mula nang paigtingin ang yellow lane policy kung saan naikahon sa akmang lanes ang mga bus sa EDSA.

Ayon sa MMDA, idinesenyo ang yellow lane at motorcycle lanes para mapabilis ang biyahe ng mga namamasahe, at magkaroon ng disiplina ang mga motorista upang mabawasan ang mga aksidente, at mawala ang ilang nagpapasikip ng trapiko sa EDSA.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.