TFC News

Italya muling tatanggap ng Pinoy workers

Mye Mulingtapang | ABS-CBN News Italy

Posted at Nov 21 2023 01:18 PM | Updated as of Nov 21 2023 07:45 PM

MILAN - Ang mga Pilipino ay kasama sa listahan ng mga manggagawang pinapayagang pumasok sa Italya para sa iba't ibang uri ng trabaho ayon sa Decreto Flussi o “Flow Decree”.

Ang Decreto Flussi ay tumutukoy sa taunang kautusan ng pamahalaan ng Italya na naglalatag ng regulasyon para sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa Italya para sa layunin na makapagtrabaho alinsunod sa partikular na mga kondisyon at quota.

1
Mye Mulingtapang

Mayroong espesipikong alokasyon para sa iba't ibang sektor at uri ng trabaho. Ang kautusan ay layuning tugunan ang pangangailangan sa work force sa Italya at pamahalaan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa batay sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng bansa.

Kabilang dito ang agrikultura, turismo, konstruksiyon, transportasyon, at iba pang industriya. Ang programang ito'y mahalagang bahagi ng patakaran ng Italya sa imigrasyon, na nagbibigay-daan sa pamahalaan na kontrolin at planuhin ang pagpasok ng dayuhang manggagawa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang merkado ng paggawa.

2
Mye Mulingtapang

Decreto Flussi

Ikinatuwa ni Philippine Ambassador to Italy Neal Imperial ang pahayag ng pamahalaan ng Italya hinggil sa pagsasama ng mga Pilipino sa listahan ng mga manggagawang mula sa mga bansang hindi kabilang sa European Union, na maaaring pumasok sa Italya sa ilalim ng Decreto Flussi at pinakabagong kautusan ng Prime Minister ng Italya.

Ito'y alinsunod na rin ito sa mahusay na bilateral relations at kooperasyon sa mga usapin ng migrasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sabi ni Imperial, patuloy ang mataas na pangangailangan para sa mga Pilipino sa Italya sa iba't ibang sektor dahil na rin sa kalidad ng trabaho na ibinibigay ng mga Pinoy.

"There continues to be a high demand for Filipinos in Italy across different sectors. As one of the earliest labor communities in Italy, there is familiarity and preference for the high quality of work offered by Filipinos," sabi ni Imperial.

Ang pinakabagong kautusan ng Prime Minister ay nagtatag ng tatlong taong forecasting ng mga quota kung saan ang kabuuang 452,000 dayuhan y tatanggapin sa Italya para sa mga seasonal at non-seasonal subordinate work at self-employment.

Nahahahati ito sa 136,000 dayuhan para sa taong 2023; 151,000 dayuhan para sa taong 2024; at 165,000 dayuhan para sa taong 2025.

Ang mga quota na itinakda para sa iba't ibang sektor ng trabaho ay ang 52,770 non-seasonal subordinate workers sa sektor ng transportation of goods, construction, tourism/hotel, mechanics, telecommunications, food, shipbuilding, bus transportation of passengers, fishing, hairdressers, electricians, at plumbers (may specific quota para sa non-seasonal subordinate workers sa sektor ng family at socio-sanitary assistance); 82,550 seasonal subordinate workers sa sektor ng agrikultura at turismo/hotel; at 680 para sa self-employed.

Batay sa datos ng Italian Ministry of Labor and Social Policies noong 2022, ang Pilipinas ay ang ikatlong pinakamalaking destinasyon ng remittances mula sa Italya, matapos ang Bangladesh at Pakistan, na nag-aambag ng halos 8% ng pondo na lumalabas ng Italya patungo sa ibang bahagi ng mundo.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang halaga ng remittances papuntang Pilipinas mula sa Italya ay umabot sa $151.525 milyon.

Paalala ng Konsulado

Binibigyang babala naman ng Philippine Consulate Genral sa Milan ang mga kababayan na huwag makipagtransaksyon sa mga indibidwal o mga ahensya na nag-aalok ng trabaho para sa mga Pilipino sa Italya upang maiwasang maging biktima ng pandaraya at illegal recruitment.

Ipinaaalam ng Konsulado ang babala matapos ipahayag ng Italian government noong Oktubre ang pagpapapasok nito ng mga foreign nationals sa ilalim ng Decreto Flussi.

Nakikitang oprortunidad ng maraming recruiter ang Decreto Flussi para makapambiktima dahil na rin sa mga kababayan na handang magbayad ng malaking halaga para makapangibang bansa.

Iniimbistegahan na ng Konsulado sa tulong ng Department of Justice at Department of Migrant Workers ang mga reklamo ng pandaraya at illegal recruitment mula sa mga Pilipinong nagbayad ng napakataas na halaga sa ilang indibidwal at ahensya para sa mga non-existent jobs dito sa Italya sa ilalim ng Decreto Flussi.

May hindi bababa sa 223 na indibidwal sa ngayon na posibleng nadaya ng aabot sa P40 milyon.

Paalala ng Embahada at Konsulado na ang applikasyon para sa subordinate work (lavoro subordinato) ay maaaring gawin lang sa pamamagitan ng indibidwal at request ng isang employer na naghahanap ng trabahador sa Italya.

Bukod dito, ang job orders ng mga Pilipinong manggagawa na nais pumasok sa Italya sa pamamagitan ng Decreto Flussi ay kinakailangang i-verify ng MWO. Ang employer o recruitment agency ay dapat magsumite ng mga kinakailangang dokumento sa pamamagitan ng MWO at DMW para sa potensyal na manggagawa upang mabigyan ito ng OFW pass (dating OEC), na kinapapalooban ng no objection to work certificate (nulla osta al lavoro) at visa.

Ang Migrant Workers Office sa Roma at Milan ay handang tumulong sa pag-verify ng mga job order ng mga kwalipikadong aplikante sa ilalim ng sistema ng Decreto Flussi upang maiwasan ang pandaraya at illegal recruitment.

Kaugnay na ulat:

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italya, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.