Nasungkit ng isang ginang ang MegaLotto 6/45 jackpot nitong Oktubre 25 dahil sa lucky pick. PCSO/Facebook
MAYNILA — Matapos ang 10-taong pagtaya sa lotto, tila nabasbasan na ng suwerte ang isang housewife sa Cebu City matapos tamaan ang jackpot ng MegaLotto 6/45 dahil sa "lucky pick" o computer generated na combination.
Paghahatian niya at ng isa pang bettor sa Sultan Kudarat ang P30 milyong jackpot price nitong Oktubre 25 matapos makuha ang combination na 04-34-02-28-42-20, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
"Isang LP (lucky pick) naman ang tinaya ko! Ang katwiran ko, maliit man yan o malaking taya, kung mananalo ka, sa iyo. Finally, after 10 years of trying nakatsamba din," sabi ng ginang, ayon sa isang Facebook post ng PCSO.
Kinuha niya nitong Nobyembre 9 ang kaniyang hati sa premyo na plano niyang gamitin para sa maliit na negosyo sa Cebu at sa pag-aaral ng kaniyang anak.
Kinakaltasan ng 20-porsyentong buwis ang mga premyo sa lotto na lagpas P10,000, sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.