BALANGA, BATAAN— Nakaburol na ang labi ng estudyante na namatay matapos araruhin ng pampasaherong bus ang terminal sa isang mall sa Balanga, Bataan nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jen Orviel Titulo, 20-anyos, na nabagsakan ng pader na binangga ng bus.
Kwento ng ina ni Orviel, sabay sana silang uuwi ng anak na naghihintay noon sa terminal sa Balanga. Pero kinutuban na sila nang hindi na ito sumasagot sa mga text.
“Nagulat kami ang dami daming tao, nagkakagulo. May aksidente ika. Sabi ko hala may nasaktan po ba? Meron daw doon, nadaganan. Sabi ko ‘yung anak ko kuya naghihintay sa akin, nakaupo sa bangko,” ayon sa ina ni Orviel.
“Nung sumilip ako ng ganun, nakita ko ‘yung buhok na nakaano sa mukha. Nung hinawi ng rescue, nakita ko ‘yung anak ko. Sabi ko, anak ko ‘yan! Anak ko ‘yan! Palapitin niyo ko,” dagdag ng ina ni Orviel.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival.
Labis ang hinagpis ni Elena Dinglasan, lola ni Orviel, na hindi makapaniwala sa nangyari.
“Bakit nagkaganun? Ang ganda ng pangarap ng apo ko para sa kapatid niya saka sa ina niya. Gusto niya maiahon sa hirap. Tapos ganun lang ang mangyayari,” pagdadalamhati ni Dinglasan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Balanga City Police Station, naghihintay sa pila ang naturang bus nang bigla itong umabante papasok ng terminal na nagresulta sa pagkamatay ni Orviel habang sugatan naman ang dispatcher ng terminal.
“‘Yung bus is biyahe patungo ng Mariveles so at that time dahil queueing sila syempre, in turn na niya to load passengers. As per his account, pag start niya ng sasakyan e bigla itong nag-accelerate, nag cause ng pag bump niya sa wall at pumasok siya mismo sa transport hub,” ayon kay PCpt. Carlito Buco Jr., Chief PIO ng Bataan PPO.
“The other one naman nag cause siya ng injury kasi that time nasa loob po siya ng bus, siya kasi yung dispatcher. Nahulog naman siya, nag cause ng injury sa shoulder portion niya,” dagdag ni PCpt. Buco.
Humingi ng tawad ang driver ng bus na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.
“Humihingi ho ako ng paumanhin sa kanila dahil talaga pong aksidente lang po talaga ang nangyari. Wala pong may kagustuhan,” sabi ng driver ng bus.
Mahaharap ito sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury, at damage to property.
Magsasagawa naman ng magkahiwalay na imbestigasyon ang City Engineering Office ng Balanga para masuri ang kalidad ng mga pasilidad sa naturang terminal.
“Kung ano po ang magiging recommendation nila, to assess ‘yung integrity nga po ng facility, that will be our reference for further identification liable persons or entities regarding this case,” ayon kay PCpt. Buco.
Hinihintay pa ang opisyal na pahayag mula sa pamunuan ng mall kung saan nangyari ang insidente.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.