Panukalang National Hijab Day, ini-sponsor na sa plenaryo ng Senado

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2022 06:19 PM

Inisponsor na sa plenaryo ng Senado nitong Lunes ang panukalang ideklara ang Pebrero 1 ng bawat taon bilang “National Hijab Day.' Jonathan Cellona, ABS-CBN News/file
Inisponsor na sa plenaryo ng Senado nitong Lunes ang panukalang ideklara ang Pebrero 1 ng bawat taon bilang “National Hijab Day." Jonathan Cellona, ABS-CBN News/file

MAYNILA — Inisponsor sa plenaryo ng Senado nitong Lunes ang Senate Bill 1410 o ang panukalang ideklara ang Pebrero 1 ng bawat taon bilang “National Hijab Day."

Ayon sa sponsor na si Sen. Robinhood Padilla, layunin nitong makapagsuot ng hijab o belong isinusuot ng mga babaeng Muslim na walang diskriminasyon.

"Ang pagsuot ng hijab po ng kababaihan na Muslim batay sa kanilang paniniwala ay protektado po ng ating Saligang Batas. Ang hijab ay isang belo na nakatakip sa buhok ng isang babae. Madali po itong ilarawan sapagka’t tulad kung paanong nakatakip ng belo ang Birheng Maria, sumakanya po ang kapayapaan, ganoon din po ang mga babae na naka-hijab," ani Padilla, na isa ring Muslim.

Marami kasi anyang nakaranas ng iba’t ibang uri ng diskriminasyon gaya ng pagpapaalis ng suot na hijab dahil hindi naaangkop sa isang institusyon o sa pampublikong lugar, hindi pagtanggap sa propesyon dahil nakakasagabal, at pangha-harass sa mga estudyante.

Base sa pag-aaral ng American Civil Liberties Union, 69 percent ng mga babaeng naka-hijab ay nakaranas ng diskriminasyon.

Nasa 61 percent ng mga mag-aaral na Muslim ang nakaranas ng bullying dahil sa relihiyon, at 17 percent ang nakaranas ng pisikal na atake tulad ng pagtanggal ng hijab. 

Kaya may ilang Muslim anya na napilitang palitan ang itsura nila para makapamuhay nang maayos.

Sabi ni Padilla, hindi lang tela para sa mga babaeng Muslim ang hijab, kundi simbolo ng respeto sa sarili at pagka-pribado ng isang babaeng Muslim.

Paglilinaw naman ni Padilla, hindi ito sapilitang pagsusuot ng hijab gaya ng ipino-protesta sa Iran ngayon.

Sa halip, kampanya lamang ito para magkaroon aniya ng awareness at tamang kaalaman ukol sa mga hijabi.

Sana anya ay maging daan ang panukalang batas na ito sa paghilom, paglaya at pagkakaisa.

Nagpahayag naman ng suporta dito sina Senators Imee Marcos, Jinggoy Estrada, Bong Revilla Jr. at Loren Legarda.

Co-author sa panukala ang lahat ng mga senador.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC