Street sweeper patay matapos mabangga nang 2 beses sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2020 09:42 AM

Naunang nabangga ng isang itim na Montero Sport ang biktima habang papatawid sa Balut, Tondo, Maynila. Tumilapon sa opposite lane ang biktima na siya namang naging dahilan para muli itong mabangga ng isa pang sasakyan. Sa ospital na binawian ng buhay ang biktima. Larawan muna sa Manila Police District

MAYNILA - Patay ang isang 73-anyos na street sweeper matapos mabangga ng dalawang beses habang tumatawid sa Tondo, Maynila Biyernes ng gabi.

Ayon sa spot report ng pulisya, tumatawid sa H. Lopez Boulevard si Lydia Infante pasado alas-6 ng gabi nang madali siya ng harapang bahagi ng itim na Montero Sport na minamaneho ng isang Dennis Dela Cruz.

Matapos mabangga ay tumilapon ang biktima sa kabilang lane kung saan tinamaan rin siya ng isang taxi na minamaneho naman ni Anecito Pequit.

Pinagtulungan naman ng drivers ng dalawang sasakyan na maisugod sa Tondo General Hospital ang biktima para magamot pero namatay din ito makaraan ang ilang oras.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng awtoridad ng imbestigasyon hinggil sa aksidente.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC