PatrolPH

‘Nanginig lang ako’: Mga motorista idinetalye ang pagbagsak ng Skyway girder

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2020 06:29 PM | Updated as of Nov 22 2020 12:06 AM

‘Nanginig lang ako’: Mga motorista idinetalye ang pagbagsak ng Skyway girder 1
Isa sa mga nabagsakan ng steel girder ng Skyway Extension sa East Service Road, Muntinlupa City Sabado kung saan isa ang nasawi. Michael Delizo, ABS-CBN News

MAYNILA - Hindi pa rin makapaniwala ang delivery man na si Juanito Dimalig at ang rider na si Reden Resus nang muntik na anila silang mamatay nang bumagsak ang steel girder sa ginagawang Skyway extension.

Pareho nilang binabaybay ang East Service Road, sakay ang kanilang motorsiklo bago mag-alas-9 ng umaga ng Sabado nang mangyari ang insidente.

"Kung hindi ako tumalon, baka siguro yung katawan ko nandun pa, naipit pa ng bakal. Hindi ko na inisip yung sasakyan ko, basta ang mahalaga buhay," ani Dimalig.

Parehong napisak ng higanteng bakal ang kanilang mga motorsiklo.

"Hindi ko alam kung mabuhay pa ako no'n. Pinikit ko na lang yung mata ko. Nanginginig lang ako noong pagkatapos. Nagpasalamat lang ako sa Diyos," ani Resus.

Hindi naman pinalad na mabuhay ang isang nakasakay sa motorsiklo na isinugod pa sa ospital kung saan siya nasawi. Apat na iba pa ang nasugatan sa aksidente, kung saan bumigay ang isang boom crane, dahilan para tamaan ang steel girder sa Skyway kaya ito bumagsak.

"May nagkakabit daw po ito. On-going po ito pero initially, ang lumabas po eh nahulog yung ikinakabit--aksidente--doon sa isang area namin sa East Service Road, Cupang, Muntinlupa. So may nabagsakang 3 kotse, 3 motorcycles, at 4 na po yung dinala namin sa aming ospital," ani Tess Navarro, public information officer ng siyudad.

Nagdulot ng trapiko ang insidente buong araw.

Nababahala naman si Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi para sa mga dumaraan ng East Service Road at hiniling ang paliwanag ng pamunuan ng Skyway, pati ang kanilang mga plano upang tiyakin na hindi na ito mauulit.

Ayon naman sa contractor ng proyekto na EEI Corp., sinusubukan na nilang makipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima para magbigay ng tulong.

Nangako rin ang kompanya na rerepasohin ang kanilang safety at operating protocols.

Tiniyak naman ng San Miguel Corp., na nangangasiwa sa Skyway, na iimbistigahan nila ang insidente, maging ang tulong sa mga naapektuhan.

Nakikita rin nilang maaantala ang Skyway extension project, na mauurong sa Pebrero 2021 ang target na matapos ito.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.