Umano'y holdaper arestado sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 05:24 AM

MAYNILA—Arestado nitong Miyerkoles ang isang 27 anyos na lalaki matapos itinurong nasa likod ng insidente ng panghoholdap sa Pasay City.

Ayon kay Police Capt. Romel Bulan, hepe ng CCP Complex Police Community Precinct, natunton ang suspek na si alyas Marvin ng mga pulis na rumesponde sa sumbong ng isang jail officer na hinoldap sa Atang dela Rama St. 

Isinakay ng mga pulis na naka-mobile patrol ang biktima na kinilalang si Angelo Badong, 31 anyos.

Habang nililibot ang lugar, naispatan ng biktima ang suspek at nilapitan siya ng mga pulis. Nagpumiglas pa si Marvin nang aarestuhin ito pero agad na pinosasan ng pulis. 

Nakuha sa kaniya ang isang granada at foldable knife na may habang 6 na pulgada. 

Narekober din sa suspek ang ninakaw na coin purse ng biktima na naglalaman ng drivers license nito at pera na nagkakahalaga ng P470. 

Kasong robbery, illegal possession of explosives at illegal possession of bladed weapon ang isasampang kaso sa suspek.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.