SEAG medalist iginiit na napolitika kaya naalis sa national team

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 08:18 PM | Updated as of Nov 21 2019 11:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isiniwalat ng 2017 Southeast Asian Games bronze medallist na si James "OJ" De Los Santos ang umano'y pag-alis sa kaniya sa lineup ng Philippine national team ngayong taon dahil sa umano'y pamomolitika. 

Sa isang post nitong Miyerkoles, ikinuwento ni De Los Santos sa kaniyang Facebook page ang pagkadismaya sa Karate Pilipinas Incorporated sa umano'y pagtanggal sa kaniya sa SEA Games lineup. 

Ayon kay De Los Santos, hindi siya binigyan ng suporta sa sa iba't ibang kompetisyon na magpapalago sana ng kaniyang karera bilang atleta. 

"I was removed from the SEA games lineup through a closed door evaluation. I was shocked because I've served the national team for 11 years," ani De Los Santos. 

Sariling sikap aniya siya sa pag-e-ensayo at pag-iipon ng pera para sa mga kompetisyon. Iginiit din ng atleta na siya lang sa kaniyang mga kasamahan ang hindi nabigyan ng suporta. 

"That's why I feel really insulted that I was left behind. So I found a way to go to Japan and train with my own money," ani De Los Santos. 

Nagkaroon pa raw ng close-door evaluation ang KPI, na kinuwestiyon ni De Los Santos. Pinalitan pa umano siya ng anak ng isa sa mga opisyal ng KPI. 

"Despite trying to stay positive, I had a feeling that my fate was already sealed and this evaluation was just being orchestrated, to give them an 'official reason' to not include me in the SEA Games lineup," pahayag ni De Los Santos sa kaniyang post. 

Pumalag naman si KPI President Richard Lim at sinabing "patas" ang naging basehan nila sa pagpili ng isasalang sa SEA Games. 

Sumagot din si Lim sa mga akusasyong iniwan si De Los Santos. 

"We had to evaluate who's going abroad because PSC is paying for that so we have to select players that have chance," ani Lim. 

Giit pa ng mga coach, walang naipanalo sa limang qualifying tournament si De Los Santos kaya siya tinanggal. 

"It's not about me, it's not about him. It's not about OJ, that's selfish, you should think about the team," pahayag ni Chino Veguillas, coach ng Philippine team. 

Naglabas din ng sama ng loob sa social media ang Fil-Japanese Karateka na si Junna Tsukii. 

Sa kaniyang post, sinabi ni Tsukii na hindi sila dapat tinatakot at may karapatan ang mga atleta. 

Nag-ugat ang post ni Tsukii sa hindi pagpayag sa kaniya ng KPI na sumali sa Olympic Qualifying Event sa Madrid, Spain na ilang araw bago mag-SEA Games. 

Pero giit ni Lim na wala naman daw pagbabanta. 

"If she goes to Madrid, she comes back 3 days. jet lagged from Madrid, are you 100 percent in 3 days? I don't think so. It's the coaches decision that our athletes are 100 percent," ani Lim. 

Lalaban ang pambato ng Pilipinas sa karate sa Disyembre 7 hanggang 9 sa World Trade Center sa Pasay City. 

-- Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games