Pulis patay sa pamamaril sa Cebu City

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 10:36 PM

CEBU CITY - Patay si Police Lieutenant Colonel Joie Yape matapos tambangan ng mga salarin na nakamotorsiklo sa Sitio Molave sa Barangay Kamputhaw, Cebu City pasado alas-6 ng gabi nitong Huwebes.

Ayon sa mga nakakita, naglalakad sa lugar si Yape kasama ang kaniyang maybahay nang pagbabarilin ng mga salarin.

Sinubukan pang isalba ang pulis pero patay na nang umabot sa ospital.

Ayon sa hepe ng Police Station 2 ng Cebu City Police Office na si Major Elisandro Quijano, nag-attend ng isang function at hearing sa kasong may kaugnayan sa ilega na droga si Yape sa Cebu City.

Dating na-assign sa Cebu si Yape bilang hepe ng Provincial Intelligence Branch ng Cebu Provincial Police Office.

Naging spokesperson rin siya ng Bohol Provincial Police Office at nadestino sa Internal Affairs Services sa Camp Crame.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa pagpatay kay Yape.

Susuriin din ng pulisya ang mga CCTV na malapit sa crime scene para makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.