Planong magbenta ng paputok? BFP may paalala

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Habang papalapit na ang Pasko, lumilitaw na rin sa usapan ang pamimili at pagbebenta ng mga paputok para sa Bagong Taon, na isang linggo ang pagitan sa Pasko. 

Pero paalala ng tagapagsalita ng Bureau of Fire and Protection na si Geranndine Agonos na dapat munang kumuha ng mga permit sa kanilang ahensiya bago magbenta ng paputok. 

Ayon kay Agonos, dapat may Fire Safety Inspection Certificate ang mga magbebenta ng paputok, alinsunod sa memorandum circular 2016-176 ng Department of the Interior and Local Government. 

Dapat daw pasok sa mga pamantayan ng Fire Code of the Philippines ang mga imbakan ng mga paputok maging ang pagbebentahan nito, ayon kay Agonos. 

"Mayroong barrier, fire protection, at safe ang mga tao sa loob," ani Agonos sa programang "Usapang de Campanilla" noong Miyerkoles. 

Paliwanag ni Agonos, ito ay para hindi kumalat ang mga sunog. 

May kalalagyan naman sa batas ang mga magbebenta ng iligal na paputok. 

Ayon sa Republic Act No. 7183, maaaring parusahan ng P20,000 hanggang P30,000 multa at pagkakakulong na hindi bababa sa 6 na buwan hanggang 1 taon ang mga magbebenta ng iligal na paputok. 

Maaari ring kumpiskahin ang mga paninda ng lalabag, at kanselahin ang kaniyang business permit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.