Mga mahuhuling gumagamit ng vape, babalaan lang, di ikukulong: PNP

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 06:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi ikukulong kundi babalaan lamang muna ang mga taong mahuhuling gumagamit ng vape sa mga pampublikong lugar, sabi ngayong Huwebes ng officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP).

Matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban o pagbabawal sa paggamit ng mga vape, inihayag noong Miyerkoles ng PNP na sisimulan na nila ang paghuli sa mga lalabag dito. 

Pero ayon kay PNP-OIC Lt. Gen. Archie Gamboa, palalayain din agad ang mga mahuhuling lumalabag matapos ma-record sa police blotter.

"Sabi ko sa kanila, arrest, put them on the blotter and then release them," ani Gamboa.

"If you want to use vape, use it in private places," dagdag niya.

Pero ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kailangan muna maglabas ni Duterte ng executive order bago maisagawa ng PNP ang ano mang pag-aresto o pagkumpiska ng mga vape.

Ayon din kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, ordinansa o batas ang kailangan para maipagbawal ang vape sa isang lugar, o batas kung target ipatupad sa buong bansa.

Balak naman ni Sen. Pia Cayetano na isama sa sin tax bill ang vape dahil wala pa namang batas na nagbabawal sa vape sa bansa.

Watch more in iWant or TFC.tv

'VAPE DI PA TIYAK KUNG NAKATUTULONG PARA MATIGIL ANG PAGYOYOSI'

Samantala, muli namang iginiit ng Department of Health na walang patunay na nakatutulong ang vape para tumigil sa paninigarilyo ang isang tao.

"You cannot believe people who are selling vapes, using vapes when they start saying that it's an effective way of quitting the traditional cigarette smoking," ani Health Secretary Francisco Duque III.

"They are already biased so they will naturally protect their positions," dagdag ng kalihim.

Iniulat kamakailan ang unang kaso ng isang teenager mula Central Visayas na nakakuha ng sakit sa paggamit ng e-cigarette.

Ilan sa mga kaso ng vape-associated lung injuries sa Amerika ay nakitaan ng Vitamin E acetate.

Bagaman hindi masama ang Vitamin E, ibang usapan na raw kapag hinitit ito.

"In general application, yes, it's good for you. But if it is already in the lungs, I think it's oil, it interferes with the gaseous exchange," ani Duque.

Pero may ilang dating naninigarilyo, gaya ni Edward Gatchalian, na natigil umano mula nang masubukang mag-vape.

"It really worked na na-cut ko 'yong smoking ko," ani Gatchalian, na gumagawa ng vape juice bilang negosyo.

-- Ulat nina Sherrie Ann Torres, Raffy Santos, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.