Lalaking nagpanggap na taga-Meralco timbog sa pangongotong

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 04:39 PM

Naaresto noong Miyerkoles ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bulacan ang isang lalaking nagpanggap na taga-Meralco at ilang buwang nangolekta ng bayad sa isang kostumer.

Sa harap ng Meralco Business Center sa Malolos dinampot ng mga taga-CIDG ang suspek na si Marcelo Santos matapos nitong kuhanin ang P5,000 marked money.

Ayon sa biktima, na tumangging magpakilala, mula Pebrero ay nagbibigay siya ng pera pambayad sa Meralco bill sa suspek.

Umabot umano sa P36,000 ang perang naibigay ng biktima sa suspek.

Sub-contractor supervisor ang suspek at hindi taga-Meralco, ayon kay Staff. Sgt. Rizelle Dianco ng CIDG sa Bulacan.

Nagbabala naman si Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga sa publiko laban sa mga ganitong modus.

Walang pahintulot na ibinigay ang Meralco sa mga tauhan nito para mangolekta ng mga pambayad sa electricity bill, ayon kay Zaldarriaga.

Mas mainam umanong magbayad sa bayad center.

Nahaharap sa extortion at usurpation of authority si Santos.

Nagkasa rin ng imbestigasyon ang Meralco para malaman kung may kasabwat ang nahuling suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.