Ama patay sa pamamaril ng batang anak sa Sipalay City

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 03:08 PM

Napatay noong umaga ng Miyerkoles ang isang lalaki sa Sipalay City, Negros Occidental matapos umano siyang pagbabarilin ng kaniyang 8 taong gulang na anak, ayon sa pulisya.

Umuwi nang lasing ang 39 anyos na ama sa kanilang bahay sa Barangay San Jose at hinanap ang kaniyang kalibre .38 na revolver, na noo'y pinaglalaruan ng kaniyang anak, ayon kay Police Corporal Mark Mabayag, ang imbestigador ng kaso.

Tinadyakan umano ng ama ang bata, dahilan para barilin ng anak ang ama, na nagtamo ng 2 tama ng bala sa dibdib.

Kasama ng bata ang 2 niyang kapatid sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente habang nagtatrabaho sa Maynila ang kanilang ina, ayon sa pulisya.

Mananatili muna sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang 3 bata habang hinihintay na makauwi ang ina.

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.