'All talk': Cayetano pumalag sa puna ng oposisyon sa gastusin sa SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalag si House Speaker at Philippine SEA Games Organizing Committee chair Alan Peter Cayetano sa paratang nI Senador Franklin Drilon sa umano'y magarbong gastusin para sa Southeast Asian Games. 

Pinaalala ni Cayetano na gumastos ng P10 bilyon ang administrasyon ni dating pangulong Benigno Aquino III nang idaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation summit noong 2015. 

"Ang sinasabi ko lang yung hypocrisy na nung P10 billion ang hiningi nila sa Kongreso, para sa APEC, [sabi nila] para sa bayan ito, representasyon ito, karangalan ito. We have to spend on known artists and singers. We have to serve good food para maganda representasyon," pahayag ni Cayetano. 

Nitong Huwebes nanawagan ng imbestigasyon si Drilon sa umano'y "maluho" na gastusin sa SEA Games, partikular na sa P50 milyon halaga ng cauldron na gagamitin dito. 

Ayon pa kay Cayetano, pinakiusapan pa siya ng administrasyong Aquino na manahimik sa gastos sa APEC. 

"Ilan ba ang dapat nagawang classroom kung hindi natin hinost ang APEC? 10,000 classrooms," ani Cayetano. 

Nanawagan din aniya si Drilon ng budget para sa CCP. 

"He (Drilon) was asking for P50 million for the CCP, for the Philharmonic, na mag-tour sa buong mundo. Wala namang nagsabi na huwag ibigay sa Philharmonic dahil 50 classrooms ang P50 million," ani Cayetano. 

Tingin ni Cayetano na pinupolitika ng oposisyon ang SEA Games. 

"E araw-araw nasa TV e. Talagang all talk lang, operation all talk lang. Parang 2022 nasa siguro nasa isip," ani Cayetano. 

Ayon naman sa tagapagsalita ni Aquino na si Abigail Valte, ang halaga ng cauldron ang kinukuwestiyon at hindi ang pagho-host ng kompetisyon kaya hindi daw dapat ikinukumpara ang presyo nito sa halaga ng pag-host ng bansa sa APEC. 

Nanindigan ang Department of Finance na hindi nawaldas ang pera ng gobyerno sa SEA Games. 

"This project, I think, is well spent not only for the athletes but for the pride of our country and that we now have for the first time in 80 years we have a world-class sports facility," ani Finance secretary Carlos Dominguez. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Subic, aabot sa 90 porsiyento nang tapos ang mga venue sa mahigit 15 sports events, ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority. 

Patuloy ang pagdating ng mga kagamitan at iba pang supply para sa iba't ibang event. 

Ipapakalat din ang aabot sa 17,000 pulis, military, at emergency personnel para sa palaro. 

Mga transparent bag lang din ang papayagan sa loob ng mga venue, ayon sa pulisya. 

Tiniyak din ng mga organizers na mapapakinabangan pa rin ang mga lugar na tinayo para sa SEA Games pagkatapos ng palaro. 

-- Ulat nina RG Cruz at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games