Trillanes, humirit na makabiyahe sa Europa, Amerika

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 02:54 PM

Naghain ng mosyon sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 si Senador Antonio Trillanes IV upang payagan siyang makabiyahe sa ibang bansa, partikular na sa Europa at Estados Unidos. 

Si Trillanes ay may nakabinbing kasong rebelyon sa naturang RTC branch at pansamantala lamang nakalaya matapos makapagpiyansa ng P200,000.

Hiling niya kay Judge Elmo Alameda ang “partial lifting” ng inisyung hold departure order sa mga petsang nakasaad sa kaniyang mosyon.

Plano ni Trillanes makabiyahe sa The Netherlands, Spain, at sa United Kingdom mula Disyembre 11 hanggang Enero 11, 2019 para dumalo sa ilang aktibidad.

Aalis din umano siya sa Enero 27 hanggang Pebrero 10 para dumalo sa ilang pulong sa California, Washington, at Maryland sa Amerika. 

Isinumite ni Trillanes sa korte ang awtorisasyon ni Senate President Vicente Sotto III at ang imbitasyon sa kaniya ng University of Amsterdam. 

Maaalalang nabuhay muli ang mga lumang kaso ni Trillanes matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinagkaloob sa kaniyang amnestiya noong 2011. 

—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.