PatrolPH

Panawagan ng mga senador, eksperto: Detalye ng China-PH oil deal ibunyag

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 09:25 PM

Watch more on iWantTFC

Nakaalis na sa bansa si Chinese President Xi Jinping ngunit wala pa rin gaanong detalyeng inilalabas ang pamahalaan ukol sa mga kasunduang nilagdaan ng dalawang bansa, kasama ang pinakatinututukan ng marami na oil and gas exploration deal. 

Obserbasyon ng marami, todo-pagmamalaki ang gobyerno sa mga kasunduan ngunit halos wala namang inilalabas na detalye.

Martes nang ianunsiyo na isa ang "memorandum of understanding on cooperation on oil and gas development" sa 29 pinirmahang kasunduan nina Xi at Pangulong Rodrigo Duterte. 

Pero hindi lahat ay bilib dito. 

"Okay lang namang makipagkasunduan, 'wag lang tayong iisahan. At saka dapat talagang mas makakabuti sa atin," ani Senador Grace Poe.

"The people need to scrutinize all these documents. We need to know whether or not these agreements are compatible with our sovereign and territorial interest," giit naman ni Senador Risa Hontiveros. 

"Kung walang transaparency, walang full disclosure, paano ang taongbayan? Baka 'yung trabaho na ibinigay puro dayuhan lang ang papasok sa atin,” ayon naman kay Atty. Jose Manuel Diokno ng grupong Free Legal Assistance Group (FLAG).

"We can file a petition for mandamus para mapuwersa ang pamahalaan na magbukas ng impormasyon sa publiko," ani dating solicitor general Florin Hilbay. 

Watch more on iWantTFC

Pero kung tutuusin, ayon sa director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, hilaw at wala pang tibay ang mga ibinibidang memorandum of understanding ng dalawang bansa.

"Hindi ito pareho sa isang kontrata, or treaty, or full-blown agreement... Parang naging palamuti lang sa visit para pakita na na-sign pero 'yung actual hard work hindi pa napagkasunduan," paliwanag ni Atty. Jay Batongbacal. 

Gayumpaman, nangangamba si Batongbacal na baka maipit ang Pilipinas sa mga kasunduang ito. 

Una, posibleng hindi na maaaring magproyekto nang mag-isa ang Pilipinas sa West Philippine Sea o di kaya'y hindi na maaaring makipagkasundo ang Pilipinas sa iba pang bansa dahil ayaw ng China.

"Kapag nangyari ang dalawang 'yan para talagang nag-give up ka na ng sovereign rights mo at hindi ka na makagalaw nang hindi kasama ang China," babala ni Batongbacal.

Naniniwala naman si Diokno na hindi pa huli ang lahat para masalag ang mga kontratang hindi papabor sa Pilipinas.

"Kung labag sa Saligang Batas puwedeng ma-revoke 'yan," paniniguro ng abogado. 

Nangako naman ang Malacañang na isasapubliko din nila ang nilalaman ng mga kasunduan, pero wala pang petsa kung kailan.

—Ulat nina Ron Gagalac at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.