Suspek na ama, itinangging pinatay sa gulpi, sakal ang sanggol na anak

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang taong gulang na babae sa Mariveles, Bataan matapos umanong bugbugin at sakalin ng sariling ama.

Batay sa imbestigasyon ng Mariveles police, namatay ang bata sa pananakal.

Hinala din ng mga awtoridad na pinalo ang sanggol at inumpog sa pader.

Dumipensa ang suspek, at ikinuwento na may isang babaeng nagtangkang kumuha sa anak ngunt nabagsak ito sa semento nang itatakas na. 

Sa kuha ng isang CCTV noong Nobyembre 17 ng madaling araw, makikita ang suspek na mabilis na naglalakad habang bitbit ang bata.

Bigo itong makasakay ng pampasaherong tricycle kaya nagtungo ito sa tanggapan ng barangay para humingi ng tulong. 

Isinugod ang sanggol sa ospital pero idineklara na itong dead on arrival.

Sinubukang kuhanin ng ABS-CBN News ang panig ng pamilya ng suspek pero tumanggi silang magpaunlak ng panayam.

Buwelta nila'y hindi magagawa ng suspek na patayin ang sariling anak dahil sadya itong mabait at walang bisyo.

Aminado rin ang ina ng biktima na mabait ang suspek sa kanilang anak kaya duda siyang ito ang pumatay sa bata.

"Sana maawa sila, makonsensiya po sila ... sana sabihin niya ang totoo," apela ng ina ng biktima, na kinakasama ng suspek.

Sakaling may iba pang suspek, itutuloy ng pulis ang imbestigasyon.

Pero sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong parricide.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.