Person of interest sa pagpatay sa 19-anyos na saleslady, dinampot

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 02:00 PM

Iniinspeksyon ng mga pulis ang tindahan kung saan natagpuang patay ang teenager na si Vheanca Punzalan.

LUCENA, Quezon - Hawak na ng pulisya, Martes, ang person of interest sa pagpatay sa 19-anyos na saleslady sa lungsod na ito noong nakaraang linggo. 

Pinagsasaksak hanggang mapatay ang biktimang si Vheanca Anne Punzalan sa loob ng kaniyang binabantayang botique sa Barangay Cotta nitong Biyernes. Naiwang nakatarak sa mata ng teenager ang isang kutsilyo. 
 
Naaresto ang person of interest matapos itong pumasok sa isang bahay sa crime scene at ireklamo ng trespassing, ayon kay Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Lucena police.

Tumutugma aniya ang hitsura ng person of interest sa salarin na nakita ng ilang testigo na umaaaligid sa tindahan bago ang krimen, dagdag ni Senior Supt. Roderick Armamento, provincial police director ng Quezon.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng mga pagsusuri upang malaman kung tugma ang dugong nakuha sa damit ng person of interest, sa dugo at pubic hair na natagpuan sa crime scene. 

Hindi muna pinangalanan ang lalaki dahil pinaghihinalaang may diperensya ito sa pag-iisip. 

Hindi pa rin matiyak ng mga imbestigador kung nagahasa ang biktima. Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.