Mga opisyal ng dating administrasyon, nahaharap sa plunder dahil sa MRT

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 09:24 PM | Updated as of Nov 22 2017 12:30 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tila sumasabay sa sunod-sunod na aberya sa tren, sabay-sabay din ang isinasampang reklamo ng Department of Transportation (DOTr) sa dating mga opisyal ng ahensiya kaugnay sa umano'y sabwatan nila sa sinibak na maintenance provider ng Manila Metro Rail Transit System o MRT.

Pero sa reklamong plunder na isinampa nitong Martes sa Office of the Ombudsman, damay na rin maging ang ilang dating miyembro ng Gabinete ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na kabilang sa Government Procurement and Policy Board.

Sila kasi umano ang nag-apruba ng sinasabing maanomalyang maintenance provider contract ng Busan Universal Rail Incorporated (BURI).

Mga dating miyembro ng Gabinete na sinampahan ng reklamo:

  • Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya
  • Local Government Secretary Mar Roxas
  • Budget Secretary Florencio Abad
  • Finance Secretary Cesar Purisima
  • Energy Secretary Jericho Petilla
  • Science and Technology Secretary Mario Montejo
  • Defense Secretary Voltaire Gazmin
  • Public Works Secretary Rogelio Singson
  • Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan

Paliwanag ng DOTr, may pananagutan ang mga opisyal na pinalusot ang hindi pantay na kasunduan sa BURI. 

"Sa aming paniniwala, may mga ginagawa sila na 'di karapatdapat tulad ng pagbabasbas nung negotiated procurement or emergency cases," ani Giovanni Lopez, DOTr Assistant Secretary for Procurement.

Para naman kay Abaya, na kasama sa parehong reklamo, handa raw siyang humarap sa anumang pagdinig dahil kumpiyansa siyang nakasunod sa batas ang mga pinasok nilang proyekto at kasunduan.

"I am confident that any inquiry will show that any and all projects and agreements entered into during not only my stint but during the Aquino administration were done with full, rigorous compliance with the law, with honesty, and in the public interest," ani Abaya.

Sigurado rin si Abaya na mapapawalang-sala sila kasama ng mga dating Gabinete ngunit nanghihinayang lang daw siya dahil muling maipagpapaliban ang kinakailangan na pagsasaayos ng sistema.

"I am sure we will be vindicated by the record. My only regret is that much-needed improvements will once again be delayed or even reversed," dagdag ng dating opisyal.

Iniuugnay si Abaya at Roxas sa umano'y maanomalyang transaksiyon ng mga maintenance provider ng MRT na hindi raw dumaan sa tamang proseso ng bidding.

Nagsingit din daw ng mga dagdag na kontrata sa maintenance contract ng BURI tulad ng general overhauling at pagpapalit ng signaling system.

"Ang basehan po namin dito ay isang malaking conspiracy ng mga miyembro ng dating opisyales. For the past 8 months from the start of contract of BURI, binayaran nila every month wala pong deduction despite poor service and undelivered spare parts," ani DOTr Undersecretary Rainier Yebra.

Sagot naman ng BURI, walang basehan ang isinampang reklamo ng ahensya at nakasisiguro silang masasagot nila ang lahat ng bintang.

Nagpatutsada rin ang BURI sa mga bagong opisyal ng DOTr.

"We are sure that we will be able to answer all their allegations. It seems that the DOTr is trying to divert the attention of the public from the incompetent transition team," ani Atty. Maricris Pahate, legal counsel ng BURI. 

Matatandaang magkakasunod na aksidente at aberya ang kinasangkutan ng MRT matapos pormal na wakasan ng gobyerno ang maintenance contract ng BURI noong Nobyembre 6.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.